Patok hindi lamang sa mga Pinoy kundi pati sa ibang lahi ang samgyeopsal at mga skincare routine mula sa South Korea, na nagpapakita ng patuloy na paglaganap ng impluwensiya nito pagdating sa pagkain at beauty trends sa buong mundo.
Sa bahagi ng “Annyeonghaseyo, South Korea” na dokumentaryo ni John Consulta sa I-Witness, sinabing makikita ang impluwensiya ng South Korea sa Pilipinas sa mga Korean town, na ang pinakamalaki ay nasa Angeles City, Pampanga.
Naroon ang mga authentic na Korean restaurant, groceries, wellness centers, at ang paborito ng marami na Samgyupsal.
“Unang una po, dahil sa naimpluwensiyahan din sila sa mga K dramas kasi nakikita din nila 'yun. And at the same time, kaya nakilala din ang Samgyupsal dito kasi 'yung lasa, kakaiba ang mga lasa,” sabi ni Kelly Bande, General Manager ng Donenoo Korean BBQ House.
Ang Samgyupsal ay isang sikat na putahe na sumikat noong 1960s, na tipikal na ginagamitan ng three-layered meat na binubuo ng makakapal at hindi marinated na hiwa ng pork belly. Karne ng baka ang orihinal na sangkap nito, at nag-iisang klase ng karne sa Samgyupsal.
Pagkatapos ng Korean War, bumagsak ang ekonomiya ng Korea kaya naging alternatibo ang karne ng baboy dahil na rin sa mas murang presyo nito.
Sa kasalukuyan, must-eat ang Samgyupsal sa Korea, na iniihaw sa mesa at binabalot sa lettuce. Sumasalamin sa kultura ng Korea ang pagsasalo-salo at pagbubuklod sa sama-samang pagkain sa iisang rim.
Umabot na rin sa iba't ibang bansa ang pagmamahal sa lutuing Koreano. Dinadagsa ng mga dayuhan galing sa kanluran hanggang Asya ang mga cooking class para sa bibimbap, upang matutunan ang sining ng paghahalo ng kulay, lasa at tradisyon.
Isa rin ang bibimbap sa mga pagkaing praktikal na kainin matapos ang Korean War dahil sa simpleng mga sangkap nito, na nagpapakita ng diwa ng K-culture.
Pagdating sa pagpapaganda, hindi rin pahuhuli ang K-beauty.
Katunayan, kilala ang South Korea bilang plastic surgery capital ng mundo, habang lumalaganap na rin ang kanilang skincare regimen dahil sa kalidad nito.
Sa kasalukuyan, pumapangatlo ang K-beauty sa larangan ng cosmetics exporting sa buong mundo.
Sa Beauty Play sa South Korea, naka-display ang iba’t ibang beauty products na hindi kilala ang brands. Layon ng organizers na tulungang makipagsabayan sa merkado ang mga maliliit na negosyo.
“K-beauty has its roots in a long history. I believe that the good ingredients and routines that have existed all along all now being recognized globally by many people. In that sense, I feel very proud. It gives me a strong sense of pride and fulfillment,” sabi ni Bomi Ryu, team leader ng Beauty Play.
Dagdag dito, inuumpisahan na rin nila ang pag-promote ng mga Korean SMSE o Small and Medium Size Enterprises sa Pilipinas.
Kaya naman ang ilang Pinoy, tila bahagi na ng rituwal sa umaga hanggang gabi ang Korean skincare routine para makuha ang makinis na mala-glass skin look.
“‘Pag sinabi kasi in Korea, number one ‘yan na maganda 'yung mga cosmetics nila. Number one 'yung mga surgery dito sa Korea. Alam kong talagang ang quality ng brand nila ay talagang hindi tinipid sa ingredients. Talagang makikita mo agad 'yung kagandahan ‘pag nagamit mo,” sabi ni Asteria Cabonegro, CEO ng Aria K-Beauty. – FRJ GMA Integrated News
