Nagpasalamat ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE) at sa mga bansang tumatanggap ng mga manggagawang Pilipino sa Middle East dahil sa ginagawa nilang pagtiyak ng kaligtasan at seguridad ng mga OFW sa gitna ng kaguluhan sa rehiyon.

“We thank the UAE government, the local government of Dubai sa pag-aalaga sa ating mga Kababayan. Also, to the government of host countries [Middle East] involved in this crisis for their safety protocols and defense system in place,” saad inilabas na pahayag ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac.

Inihayag ito ni Cacdac kasunod ng ligtas na pag-uwi ng 299 na Pinoy na galing sa Dubai nitong Huwebes ng umaga.

Kamakailan lang, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mahigit 1,000 Pilipino na ang humiling ng repatriation sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.

''So, as of early this morning, sampu ang gustong magpa-repatriate from Iran. Ang pinakamarami from Israel - 297, 22 from Jordan, 231 from Bahrain, 586 from Dubai, 270 from Abu Dhabi,'' sabi ni Marcos sa isang Palace briefing nitong Martes.

''Altogether that's 1,416 Filipino nationals who would like – who have requested repatriation,'' dagdag niya.

Isang Pinay caregiver sa Israel na si Mary Ann Velasquez De Vera, ang unang Pilipino na nasawi sa kaguluhan sa Middle East matapos siyang mabagsakan ng debris bunga ng missle attack ng Iran.

Tiniyak naman ni Cacdac na patuloy na makikipagtulungan ang DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang magbigay ng tulong sa mga Pilipino sa Middle East na apektado ng kaguluhan. – FRJ GMA Integrated News