Arestado ang isang babaeng may apat na warrant of arrest dahil sa pagnanakaw sa Quezon City at Maynila.
Isinilbi ng operatiba ang warrant of arrest sa 55-anyos na babae para sa kasong theft sa Project 6 Police Station sa Quezon City.
Noong December 18 pa nakakulong doon ang babae matapos siyang maaresto sa bisa rin ng arrest warrant sa parehong kaso.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na apat ang kanyang arrest warrant sa Quezon City at Maynila.
“Nitong January 4 ay meron na namang lumabas na warrant of arrest na galing pa ng RTC ng Maynila. ‘Yung pang-apat ay nitong February ay nai-serve din natin sa kanya,” ani Police Lieutenant Colonel Roldante Sarmiento, ang station commander ng Project 6 Police.
Ayon sa pulisya, ika-sampu sa most wanted persons list nila ang babae.
Ang karaniwang pinagnanakawan daw ay ang ilang mall.
“Sa pagkakaalam namin ay nag-iisa lang siya o solo na lumalakad. At ang kanyang modus kapag nahuhuli siya ay nagpapalit siya o nag-iiba ng details ng kanyang pagkatao. Halimbawa, ibang pangalan na naman gagamitin niya,” dagdag ni Sarmiento.
Hindi ito ang unang beses na nakulong ang babae.
Taong 2016 at 2018 nang maaresto siya dahil sa pagnanakaw, habang noong 2017 ay sa kasong may kinalaman sa droga.
Aminado siyang nagnanakaw siya ng mga bag sa mga mall.
“Okay lang po para matapos na po ito para wala na po akong kaso. Mga bag po sa mall [ang ninakaw]. Nakaugalian ko na po,” sabi ng babaeng naaresto.
Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa return of warrant. —KG, GMA Integrated News