Inihayag ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na malaki ang posibilidad na sa papasok na 20th Congress na --pagkatapos ng State of the Nations Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 21--masisimulan ng Senado bilang impeachment court ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
“Most likely when the new Congress already enters into its functions. That means after SONA. So I think SONA is on July 21. So trial will commence after that date,” pahayag ni Escudero sa press conference nitong Lunes.
Ayon pa sa lider ng Senado, wala ring dahilan para magpatawag ng special session para sa paglilitis kay Duterte.
“I have already said I have no intention of requesting the President for a special session. Hindi ito isa sa mga bagay na dahilan para magpatawag ng special session ang Senado,” patuloy nito.
Kapag sa Hulyo nagsimula ang impeachment trial, makakasama na ang 12 bagong senador na mahahalal sa darating na May midterm election bilang mga impeachment judges.
Lumusot sa Kamara de Representante sa suporta ng 215 na kongresista ang impeachment compliant laban kay Duterte, nitong nakaraang linggo na ipinadala sa Senado.
Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco nitong nakaraang Biyernes, may humabol pang 25 kongresista na sumuporta sa impeachment case laban kay Duterte.
Sinabi naman sa press conference ni Duterte nitong Biyernes, na naghahanda na ang kaniyang legal team sa gagawing paglilitis. Wala pa umano sa isip niya ngayon ang magbitiw sa puwesto.
Kung papayagan ng impeachment court, sinabi ni Duterte na hindi na lang siya dadalo sa paglilitis. —mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News