Naniniwala ang malaking bilang ng mga Pilipino na nakatutulong sa mga mahihirap ang mga social welfare program o "ayuda" ng gobyerno, batay sa resulta ng magkahiwalay na survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia na isinagawa nitong Enero.

Kasama sa mga programa na nakapaloob sa survey na ipinagawa ng Stratbase Group ang:

  •     Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)
  •     Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD)
  •     Ayuda sa Kapos and Kita Program (AKAP)
  •     Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS)
  •     Walang Gutom Program (WGP), na dating Food Stamp Program

SWS result

Sa survey ng SWS, lumabas na 90% ng mga Pinoy ang naniniwala na nakatutulong sa mga mahihirap ang 4Ps, na 66% ang nagsabing “very helpful” ang programa at 24% ang nagsabing “somewhat helpful.”

Sa TUPAD, 88% ang naniniwala na nakatutulong ito. Sa kabuuan nito, 51%  ang nagsabi na “very helpful” ang programa, habang 37% ang nagsabing “somewhat helpful.”

Sa AKAP, 81% ang nagsabing nakatutulong ang programa, na 42% ang nagsabing “very helpful” at 39% ang sumagot na “somewhat helpful”.  

Sa WGP, 81% ang nagpahayag na nakatutulong ito sa mga mahihirap. Kumakatawan ito sa 48% na nagsabing “very helpful” ang programa, at 33% ang “somewhat helpful.”

Sa AICS, 80% ang naniniwala na nakatutulong ito, na 42% ang nagpahayag na “very helpful” ang programa at 38% ang “somewhat helpful.”

Ginawa ang SWS survey mula January 17 hanggang 20, 2025, na mayroong 1,800 respondents o tinanong. Mayroong itong ±2% margin of error.

Pulse Asia result

Sa resulta naman ng survey ng Pulse Asia, 82% ang nagpahayag na nakatulong ang 4Ps para sa pinansiyal na pangangailalan ng mga nasa lower social class, o mahihirap

Sa Tupad, 82% ang naniwala na nakatulong ang programa sa mga Pinoy sa pamamagitan ng pagbibigay ng kabuhayan at katiyakan sa trabaho.

Habang sa AKAP, 81% ng mga Pinoy ang nagsabing nakakatulong ito para sa pinansyal na katatagan ng mga nasa mababang antas ng lipunan.

Isinagawa ng Pulse Asia ang survey ng mula January 18- 25, 2025. Tinanong sa survey ang 2,400 respondents at may ±2% margin of error.

Dahil sa kahalagahan ng mga ayuda para sa mga mahihirap, sinabi ni Stratbase Group president Dindo Manhit, na kinakailangan ang transparency sa mga programa ng gobyerno upang matiyak na magagamit nang epektibo ang mga pondo ng bayan.

“To ensure the continuous and effective delivery of social government programs, there is a need to also continuously uphold transparency in their implementation, particularly in the list of recipients,” saad niya.

“There is a need to ensure that public funds serve their intended purpose—to uplift the lives of the poor—and not the personal interest of some. When taxpayers’ money are spent properly, the Filipino people benefits through better services and economic progress,” dagdag ni Manhit. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News