Nasawi ang isang 80-anyos na senior citizen matapos siyang hindi makapag-nebulize nang dahil sa brownout sa Laguna.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dinala ni Andrea Lapitan ang kanilang 80-anyos na ama sa ospital dahil sa hirap sa paghinga.

Sinabi ni Andrea na nagne-nebulize ang kaniyang ama tuwing 3 p.m. para sa hika nito.

Ngunit Biyernes nang matiyempuhang mawalan sila ng supply ng kuryente dahil kasama ang kanilang barangay sa rotational brownout.

“Nagne-nebulizer po ‘yung tatay ko. Then suddenly bigla pong nawala ‘yung kuryente. Hinihintay ng papa ko na magkaroon ng kuryente, kasi akala namin saglit lang siya mawawala. Pero inabot siya ng mahigit tatlong oras,” sabi ni Lapitan.

Bago mag-6 p.m, bumalik ang kuryente at nakapag-nebulize ulit ang kaniyang ama.

“Sumagot na po siya na hindi na po niya kaya. Kaya sinugod po kaagad namin siya sa ospital. Then habang palabas pa lang po kami sa compound namin, bumagsak na po ‘yung tatay po,” sabi ni Lapitan.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Tatay Serafin.

Sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines na naka-yellow alert ang Visayas grid mula 5 p.m. hanggang 8 p.m nitong Sabado. Samantala, normal naman ang Luzon at Mindanao grid.

“Baka wala tayo [rotational brownout] for the weekend. Inaasahan natin na makabalik yung Batangas plant by today unless hindi po makapasok yung Batangas plant or may dumagdag pang plantang biglang pumalya,” sabi ni NGCP spokesperson Atty. Cynthia Alabanza. —Jamil Santos/VBL GMA News