Binigyan ng pagkilala ang isang 63-anyos na pedicab driver mula sa Mangaldan, Pangasinan dahil sa pagsasauli ng bag ng isang balikbayan na naglalaman ng pera at mga alahas.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa One North Central Luzon, sinabing halos limang dekada nang namamasada si Larry Manaois, o mas kilala bilang “Tatay Larry,” na tubong Barangay Tebag.
Sa pamamagitan ng pamamasada, naitaguyod niya ang kaniyang pamilya at napag-aral ang kaniyang tatlong anak.
Isang araw, may naiwan umanong bag sa kaniyang pedicab, at dito nasubok ang kaniyang katapatan.
Hindi nagdalawang-isip si Tatay Larry na isauli ang bag sa may-ari nito.
“Pero nu'ng pabalik na ako, pagdating ko sa paradahan namin, nakita ko na lang 'yung bag. Kaya nu'ng makita ko 'yung isang tao ni mayora na nagmomotor din, sa kaniya ko na ibinigay, inabot 'yung bag,” kuwento ni Tatay Larry.
Natukoy kalaunan na ang may-ari ng bag ay isang senior citizen na balikbayan mula sa San Jacinto, Pangasinan.
Naglalaman umano ang bag ng P700 cash, hindi matiyak na halaga ng US dollars, cellphone, mga alahas, at mahahalagang ID.
Ikatlong beses na umano itong ginawa ni Tatay Larry.
“Masaya dahil naibalik ko 'yung pag-aari nila. Saka hindi naman talaga sa amin ‘yun. Laging sinasabi sa akin nu'ng asawa ko na ‘pag may napulot ako, ibibigay ko na lang sa may-ari,” ani Tatay Larry.
Dahil sa kaniyang ipinakitang katapatan, kinilala siya ng lokal na pamahalaan.
Binigyan din siya ng pabuya ng LGU at ng may-ari ng bag.—Jamil Santos/MCG GMA News
