Nahuli-cam na umiiyak sa sakit ang isang aso sa Iloilo dahil sa tinamo nitong tama ng bala ng airgun sa katawan. Ang aso, may kinagat umanong manok sa isang pribadong lupa kaya binaril ng may-ari.

Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa sa GMA News TV One Western Visayas nitong Biyernes, sinabing nangyari ang mapaparil sa isang private compound sa Barangay Salihid sa Barotac Nuevo.

Inaresto ang bumaril sa aso pero pinalaya rin kinalaunan dahil wala pang naghahain ng reklamo.

“Ayon sa investigation namin, kinuha niya ang airgun at binaril. And then, ang suspect, dinala rin natin sa station. Dine-tain siya at nag-lapse na ang reglementary period at ni-release na,” ayon kay Police Capt. Ma. Rosario Miranda, Deputy Chief ng Barotac Nuevo Municipal Police Station.

Kuwento ng may-ari sa aso na si Thea, lumabas ng bahay ang kaniyang kapatid at sumunod dito ang aso.

“Lumabas ang kapatid ko. Sumunod rin ang aso namin at nagpalipad sila ng saranggola. Sabi niya, binaril daw tapos nagulat kami nagpunta siya dito. Sabi ko, bakit binaril? Hindi niya raw alam. Nang binaril raw ang aso, sinabi niya sa bumaril na, aso namin iyan,” ani Thea.

Isinumbong ng pamilya ni Thea sa mga pulis ang nangyari sa aso kaya naman inaresto ang namaril pero nakalaya rin kinalaunan.

Dinala naman sa Animal Health Clinic ang aso para gamutin ang tinamong sugat.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na paglabag sa Animal Welfare Act ang pananakit sa mga hayop. Ang mapatutunayang nanakit o pumatay ng hayop ay maaaring patawan ng multa o pagkakakulong bilang parusa. – FRJ GMA News