Sa La Loma Police Station sa Quezon City isinilbi ng pulisya ang warrant of arrest sa 46-anyos na lalaking truck driver para sa kasong paglabag Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. 

Nauna nang naaresto ang lalaki noong Linggo dahil sa pagbebenta umano ng droga kaya siya nakakulong sa istasyon. 

“Noong February 16, sir, nahuli natin itong suspek sa buy-bust operation kaya pag-trace natin sa system nakita natin doon na meron siyang pending warrant ng illegal possession of firearms kaya sinerve natin ditto, sir,” ani Police Major Nicanor Bautista, deputy station commander ng La Loma Police. 

Taong 2014 nang masampahan ang lalaki ng kaso matapos umanong mahulihan ng baril sa bayan ng Mandaon sa Masbate. 

“Dati na siyang nakulong doon nakapag-bail lang ‘yan kaya nakalaya then hindi na siya naka-attend ng mga hearing doon kaya nagtago na siya,” dagdag ni Bautista. 

Sabi ng lalaki, alam niyang may arrest warrant laban sa kanya. 

“Ang rason ko naman sabi ko bakit naman meron nag-attend naman ako sa hearing pero wala namang complainant. Hindi po sa akin ‘yung baril, sir, sa kasamahan ko po ‘yon kaya naano lang sa akin ‘yon tumalon siya nung may nakitang checkpoint kaya sa akin naano sa baril kasi ako naiwan sa motor,” depensa ng lalaki. 

Kaugnay naman sa kanyang pagkakaaresto sa ilegal na droga, nadamay lang daw siya.

Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa return of warrant. —AOL, GMA Integrated News