Nakunan sa video ang pambubugbog ng isang ina sa kaniyang walong taong gulang na anak matapos itong maghapong hindi umuwi sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video ng pagmamakaawa ng bata na nagpupumiglas mula sa pagkakahawak sa kaniya ng ina.

“Ma, nahihiya na ako dito, eh. May mga tao rito. Ma, ayoko na po! Ma, ayoko na po!” pagmamakaawa ng bata.

Ilang saglit lang, sinuntok na ng ina ang bata.

“Gusto mong sakalin kita?” sabi ng ina. “Ayoko! Ayoko na po!” tugon ng bata.

Sinubukan pa ng bata na magpumiglas hanggang sa dumating ang kaniyang lola.

Pinagtulungang buhatin ng mag-ina ang bata at iniuwi sa kanilang bahay samantalang nagpapatuloy ang pananakit.

Nahagip din sa video ang lola na tatlong ulit na pinalo ang bata gamit ang tsinelas.

Sa isa pang punto, sinubukan pang hilahin ng lola ang bata pero ayaw talagang sumama nito.

Tumagal ang video ng mahigit pitong minuto hanggang sa maipasok na ang bata sa bahay na sumisigaw pa rin.

Ilang residente ang nag-ulat ng insidente sa barangay, na sila namang nag-report sa pulisya.

Lumabas sa imbestigasyon na maghapong hindi umuwi ang bata matapos siyang utusang bumili ng sigarilyo. Sa halip, ipinambili na lang ng bata ng laruan ang pera, at nahanap siya ng kaniyang magulang ng alas-singko ng hapon na

Ayon naman sa nanay ng bata, nagkasalubong sila ng anak at sa halip na lapitan siya, tumakbo ang bata palayo.

Paliwanag ng ina na tatlong buwang buntis, hindi na siya nakapagpigil dahil na rin sa pagod at tagal ng paghahanap sa bata. 

“Kaya ko lang din na ganu’n ‘yung anak ko, sa sobrang pagod na po nanghihina ako dahil namutla na rin po ako, hindi ko na kaya. Pagod na pagod na ako,” depensa ng nanay.

Pumayag ang ina na iharap sa media ang anak.

Ayon naman sa bata, niyaya siya ng ilang kalaro para bumili ng pagkain at laruan kaya siya hindi agad nakauwi ng bahay.

“Umiyak ako nang umiyak. Tapos natatakot po akong umuwi, kasi mapapagalitan ako eh,” sabi ng bata.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, hepe ng Rodriguez, Rizal Police, na isinalaysay ng kanilang kapitbahay na binubugbog ng ina ang anak sa tuwing nagagalit ito. kaya naisipan na itong i-video.

“Naaawa na ako sa bata kasi laging ginagano’n ng nanay niya. Pinost ko po siya kasi para madala ‘yung nanay niya kasi lagi siyang ginagano’n,” sabi ni Remedios Ortanez, saksi at uploader ng video.

Ayon naman sa mag-ina, ito ang unang beses na nangyari ang insidente. Iginiit ng ina na hindi niya binugbog ang anak.

“Kung binugbog ko po ‘yung anak ko, makikita po ‘yan sa katawan ‘yung sobra pong pambubugbog. Hindi po ganu’n eh. Kita po eh,” depensa ng ina.

“Hindi po totoo ‘yun na isang beses lang, marami nang beses. Naririnig na lang namin ‘yung anak niyang humihiyaw. Tapos makita namin ‘yung anak niya may pasa sa mukha niya, tapos ang dami niyang kalmot,” sabi ni Ortanez.

Nasa kustodiya na ng Rodriguez Municipal Police Station ang nanay at lola ng bata.

Iti-turnover sa DSWD ang bata, samantalang kakasuhan ang ina ng R.A. 7610 at saka physical abuse.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News