Timbog ang isang lalaki matapos niyang barilin sa dibdib ang isang siyam na taong gulang na bata na isa sa nakaaway ng kaniyang anak sa Navotas City.

“Nagkaroon ng away 'yung mga bata. Nagkaroon ng suntukan at tadyakan. Isang bata nagsumbong sa magulang, sa tatay actually at saka sa mga barkada ng tatay niya,” sabi ni Police Lieutenant Jose Tamingo ng Navotas Police sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Huwebes.

Dahil dito, nagsama-sama ang suspek at dalawa niyang kaibigan para resbakan ang dalawang nakaaway ng kaniyang anak, at natiyempuhan ang mga bata sa Palengke Avenue.

“Kinompronta ‘yung dalawang bata. Bumunot ng baril 'yung magulang ng nakaaway nila. Tapos 'yung pangunahing witness natin tinutukan sa ulo. Tapos yumuko lang 'yung bata. Pumutok 'yung baril, ang tinamaan 'yung victim natin ngayon, tinamaan sa dibdib,” sabi ni Tamingo.

Isinugod sa ospital ang biktima.

Matapos magsagawa ng manhunt operation ang pulisya sa tatlong suspek, natunton nila ang gunman sa kaniyang bahay matapos siyang ituro ng menor de edad na una niyang tinutukan umano ng baril.

Hindi na pumalag ang suspek nang arestuhin.

“‘Yung anak ko po umuwing umiiyak. Siyempre po bilang tatay, nabigla po ako. Pinuntahan ko nga po 'yung mga bata. Ang problema po, ‘yun nga, medyo napasobra. Sobrang galit po. Hindi ko po inaasahan na gano'n namang niyayari. Hindi ko po talaga sinasadya po ‘yun. Hindi ko po talaga gusto,” sabi ng suspek.

Ginamit umano ng suspek sa pamamaril ang improvised gun na nabili niya sa isang tambay sa kanilang lugar.

Sinampahan na ng reklamong frustrated murder ang nahuling suspek, samantalang pinaghahanap pa ang dalawa niyang kasama. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News