Nakikipag-unayan na ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng riding in tandem na hinihinalang naglagay ng sumabog na Molotov sa ilalim ng kotse ng isang photojournalist sa Quezon City nitong nakaraang linggo.
Ayon kay PTFoMS executive director Jose Torres Jr., nitong Lunes, humingi ng tulong sa ahensiya ang photojournalist na si Michael Varcas kaugnay sa nangyaring insidente.
Palaisipan din umano kay Varcas ang motibo sa pagsunog sa kaniyang sasakyan dahil wala umano siyang alam na kaaway o galit sa kaniya.
"Si Michael is a photojournalist, so mostly pictures o pagkuha ng larawan ang ginagawa niya. Wala siyang alam na controversial photos na recently na-cover niya," pahayag ni Torres.
Sinabi ni Torres na may anggulo na umanong sinusundan ang mga imbestigador tungkol sa insidente pero hindi pa raw nila ito puwedeng isapubliko habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ni Varcas na nasa bahay na siya at nakaparada sa labas ang kaniyang sasakyan nang makarinig siya ng motorsiklo na humarurot at nasundan ng pagsabog.
“Lumabas ako, pagtingin ko umaapoy na yung kotse ko," ayon kay Varcas.
Ayon sa Quezon City Police (QCPD) and Explosive Ordnance Disposal unit, Molotov cocktail ang ginamit ng mga salarin, o bote na nilagyan ng gasolina at sinindihan.
Sinabi ni Torres na ang kaso ni Varcas ang unang insidente ng pag-atake sa mamamahayag na hinahawakan ng PTFoMS ngayong taon.
Isang kaso naman ng pananakit umano sa isang mediaman sa Mindanao ang kanila ring bineberika kung totoo.
Kamakailan lang, ikinatuwa ng PTFoMS ang ulat ng non-government organization na Committee to Protect Journalists (CPJ's) na walang Filipino journalist ang pinaslang noong 2024.
Ayon kay Torres, ang zero killings sa mga mamamahayag noong 2024 ay bunga ng mga isinasagawang hakbang ng iba't ibang stakeholders, kabilang ang law enforcement agencies, media organizations, at civil society, para protektahan ang mga mamamahayag.
''The PTFoMS recognizes the hard work and dedication of all those involved in upholding the principles of press freedom and protecting the lives of media professionals,'' sabi ni Torres sa isang pahayag.
Sa panayam nitong Lunes, sinabi ni Torres na abala ngayon ang PTFoMS sa pagtutok sa mga nakabingbing kaso, pagsasaayos ng database, ganundin ang pagsasagawa ng konsultasyon at pagsasanay sa mga ahensiya ng pamahalaan, media organization at ibang stakeholders upang mapalakas ang pagbibigay proteksyon sa mga mamamahayag. -- FRJ, GMA Integrated News
