Nasawi ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang katrabaho sa Biñan, Laguna. Ang biktima, sinasabing nakialam umano sa away ng suspek at asawa nito.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ang biktima na si Ruel Gepo, na nadala pa sa ospital pero binawian din ng buhay.
Sa video footage, makikita ang biktima nitong Lunes ng gabi na tinangka pang tumakbo sa gilid ng kalsada pero natumba. At nang abutan, doon na siya pinagsasaksak ng suspek.
Pero bago pa man mahuli-cam ang pagtakbo ng biktima, lumilitaw na nasaksak na rin siya ng suspek batay sa mga patak ng dugo sa daan.
Kaagad na tumakas ang suspek nang matumba na ang biktima sa kalsada matapos niyang undayan ng saksak.
Samantalang binawian naman ng buhay ang biktima kinalaunan matapos isugod sa ospital.
Napag-alaman din na bago maganap ang krimen, nag-iinuman pa ang suspek at biktima na magkatrabaho sa pagawaan ng hollow blocks.
Ayon sa isa pa nilang katrabaho, nag-away ang suspek at asawa nito, at doon na umano nakialam ang biktima.
Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang suspek na mahaharap ng kasong homicide.—FRJ GMA Integrated News
