Nasawi ang isang sanggol na babae na isang-taong-gulang matapos siyang mabitawan ng ina na nakaangkas sa motorsiklo na minamaneho ng kaniyang asawa sa Talisay City, Cebu. Ang bata, nagulungan pa ng dump truck.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood na tinatahak ng pamilyang sakay ng motorsiklo ang kalsada sa Barangay Lagtang nitong Lunes.
Ilang saglit lang, biglang sumemplang ang kanilang motorsiklo kaya nabitawan ng ina ang hawak niyang anak.
Nagkataon naman na umandar ang katabi nilang dump truck kaya nagulungan nito ang bata.
Dinala ang bata sa ospital pero idineklara itong dead on arrival dahil sa matinding sugat sa ulo.
Sumuko naman sa pulisya ang truck driver, na ipinaliwanag na hindi niya napansin ang motorsiklo. Humingi rin siya ng tawad sa mga magulang ng biktima.
Nakipag-areglo na ang driver at ang kumpanya ng truck sa pamilya ng biktima.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng bata.
Sa Tagawayan, Quezon naman, naabutang nakahandusay sa kalsada ng mga rescuer ang motorcycle rider at kaniyang angkas sa Barangay Rizal.
Sinabi ng pulisya na bumangga ang motor sa isang utility van na patungo sana sa Bicol.
Nasira ang unahang bahagi ng motor at van.
Dinala sa ospital ang mga sugatang biktima, na walang mga pahayag.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
