Sugatan ang mahigit sa 12 motorcycle riders na sunod-sunod na sumemplang sa nagkalat na lupang panambak na nalaglag mula sa dump truck sa northbound lane ng Kamuning flyover sa Quezon City.
Nangyari ang aksidente 1:30 a.m. nitong Martes.
Agad silang ginamot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Rescue.
Kuwento ng isang motorcycle taxi rider, tumilapon sila ng kanyang angkas na pasahero.
Bukod sa tinamong sugat sa siko, napuno rin ng putik ang kanyang damit, maging ang minamanehong motorsiklo.
“Ang haba, sir eh. Ito pagbagsak ko nga buti sa may bundok-bundok na lupa ako bumagsak. Hindi na kinaya kasi tumatakbo ako nasa 60 [kph]. Mabilis 'yon eh. Maluwag 'yon eh. Nasa gitna kami mismo,” sabi ng motorcycle taxi rider.
Ang isa pang motorcycle rider ay nagtamo ng sugat sa tuhod.
Nasugatan naman sa kamay ang kanyang angkas na babae.
Galing daw sila sa Cavite at patungong Olongapo nang mangyari ang aksidente.
“Pag-akyat namin ng flyover, sakto po, ayan nabulaga na po kami sa tambak po na putik. Kaya nu'ng gumewang po kami hanggang sa sumadsad kami sa kalsada, ang layo po ng sinadsaran namin eh,” sabi ng motorcyle rider.
Nasa kustodiya ng Quezon City Police District Traffic Sector 3 ang dump truck driver habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Lima sa mga nasugatang rider ang nagtungo rin doon.
Ayon sa truck driver, galing ang lupang panambak sa Pasig City at dadalhin nila sa Pampanga.
“Pagkatabi namin ng truck, chineck up namin, sir. Bukas pala 'yung tailgate ng truck. Tapos maya-maya, may mga pumuntang enforcer, sir. Pasensya na po, sir, sa mga nasugatan po. Hindi ko naman kagustuhan 'yung nangyari, sir,” kuwento ng truck driver.
Bago mag-alas tres ng madaling araw nang pansamantalang isinara ng MMDA ang northbound lane ng flyover.
Hindi madaanan maging ang bahagi ng busway.
Maagang tumukod ang traffic hanggang sa Cubao na kinalaunan ay umabot na rin hanggang White Plains Avenue.
Sinabuyan naman ng tubig ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang mga nagkalat na lupang panambak.
Inabot ng mahigit sa apat na oras bago natapos ang clearing operations ng mga awtoridad at muling nadaanan ng mga motorista ang flyover. —KG, GMA Integrated News
