Kinumpirma ng Malacañang nitong Martes na nasa kustodiya na ng mga awtoridad si dating pangulong Rodrigo Duterte matapos maaresto dahil sa mga krimen laban sa sangkatauhan.
Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communications Office na pagkarating ng dating pangulo sa Maynila, inihain ng isang prosecutor general mula sa International Criminal Court (ICC) ang warrant of arrest kay Duterte.
“Kaninang madaling araw, natanggap ng INTERPOL Manila ang official copy ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC),” sabi ng PCO.
“Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan,” dagdag ng PCO.
Bumalik sa bansa si Duterte nitong Martes ng umaga matapos mamalagi sa Hong Kong.
Dumating si Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng flight CX-907 pasado 9 a.m.
Habang nasa eroplano, narinig si Duterte na sinabing “You will just have to kill me kung hindi ako papayag, kung kakampi ka diyan sa mga puti (if I won’t allow, if you will side with the foreigners).”
Nakita si Duterte na kasama ang matagal na niyang partner na si Honeylet Avanceña at kanilang anak na si Veronica "Kitty" Duterte. Sinamahan din siya ni dating executive secretary Salvador Medialdea.
Mahigpit ang seguridad sa NAIA Terminal 3 habang inaantabayanan ang pagdating ni Duterte.
Naroon sina Philippine National Police chief Police General Rommel Marbil at Criminal Investigation and Detection Group chief Major General Nicolas Torre III. Naroon din ang isang representative mula sa Interpol.
Dati nang sinabi ni Duterte na handa siyang harapin ang umano'y warrant of arrest, at idiniing haharapin niya ito bilang isang abogado at hindi tatakas sa ibang bansa.
Pinabulaanan din niya ang mga usapin na nagtungo siya sa Hong Kong noong weekend para iwasan umano ang arrest warrant. Dumalo si Duterte sa isang pagtitipon sa mga overseas Filipino workers (OFWs), kasama ang anak niyang si Vice President Sara Duterte.
“Susmaryosep. Mas lalo akong mahuli dito (sa Hong Kong). I am here as a visitor. We do not enjoy any privileges here. Tsaka kung magtago ako, hindi ako magtago sa ibang lugar. Diyan ako sa Pilipinas. Diyan mo ako hindi makita,” sabi ni Duterte sa isang eksklusibong panayam kay Marisol Abdurahman ng GMA Integrated News.
Iniimbestigahan ng ICC si Duterte at ilan pang matataas na opisyal ng kaniyang administrasyon para sa mga krimen laban sa sangkatauhan, dahil sa umano'y madugong giyera kontra droga ng kapulisan.
Base sa datos ng pulisya, umabot sa 6,000 ang mga namatay, ngunit iginiit ng human rights groups na umabot pa ang ito sa 30,000, kasama na ang pagpatay sa mga vigilante.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News
