Mararamdaman na sa Martes ng mga motorista ang matinding epekto ng kaguluhan sa Middle East dahil sa labanan ng Iran kontra sa pinagsanib ng puwersa ng Amerika at Israel, na nagtulak sa pagmahal ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Batay sa inilabas na datos ng Department of Energy (DOE), inaasahan na posibleng tataas ang presyo ng gasolina ng mula P7.00 hanggang P13.00 bawat litro; P17.50 hanggang P24.25 naman sa diesel: at P32.00 hanggang P38.50 sa kerosene.

Nangyari ito kasunod ng “pagsasara” ng Strait of Hormuz, isang mahalagang pandaigdigang daanan ng mga barkong nagdadala ng langis na matatagpuan sa pagitan ng Iran at Oman. Itinuturing itong mahalagang ruta ng pag-export ng langis sa mundo, na nagdurugtong sa pinakamalalaking prodyuser ng langis sa Gulf region.

Una rito, inihayag ng Department of Energy (DOE), na aapela sila sa mga kompanya na huwag biglain at gawing paunti-unti ang pagpapatupad ng price increase ngayong linggo.

Nakikipag-ugnayan din ang DOE sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) sa pagsubaybay sa posibleng hoarding at profiteering sa bentahan ng petroleum products. Kasunod na rin ito ng mga sumbong ng posibleng may nangyayaring iregularidad sa presyuhan ng mga produktong petrolyo sa Luzon at Mindanao.

Plano naman ng pamahalaan na magkaloob ng fuel subsidies o ayuda sa public transport operators, magsasaka, at mangingisda, pati na rin ang pagkakaloob ng libreng sakay sa mga pasahero para maibsan ang epekto ng labis na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ikinukonsidera rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suspindehin o bawasan ang ipinapataw na excise tax sa mga produktong petrolyo.

Hindi naglalabas ng Department of Finance ng pahayag kung magkano ang posibleng mawalang kita ng gobyerno kapag sinuspinde o inalis ang naturang buwis sa mga produktong petrolyo.— Jon Viktor D. Cabuenas GMA Integrated News