Sa bisa ng arrest warrant, dinakip ng pulisya ang 74-anyos na lalaki na wanted sa kasong rape in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Papasakay na sana ng bus ang senior citizen nang pigilan siya ng mga pulis sa Barangay Paso de Blas sa Valenzuela City.
Ayon sa pulisya, mahigit 13 taon nagtago ang lalaki.
“Siguro nagtago-tago lang siya somewhere in Bicol but then nagkaroon sila ng tip sa atin na nagpa-Manila yung accused then may nakapagbigay na somewhere in Valenzuela so itong operatives natin sa warrant section kaagad nakipag-ugnayan sa Masbate Police Station,” ani Police Colonel Nixon Cayaban, chief of police ng Valenzuela City.
December 2011 nang inilabas ng korte ang arrest warrant.
Nangyari umano ang krimen sa bayan ng Cataingan sa Masbate.
Ang 16-anyos na babaeng biktima ay pamangkin ng asawa ng akusado.
“Nagtitinda raw itong accused at palagi niyang sinisita yung bata siguro that’s the time na nagkaroon siya ng opportunity,” dagdag ni Cayaban.
Nakakulong ngayon ang akusado sa Valenzuela City Police Station.
Giit niya, hindi niya ginawa ang krimen.
“Hindi ko ginagawa. Sinungaling ang kanilang kaso,” sabi ng akusado.
Nakatakdang ibiyahe ng pulisya ang akusado sa Masbate para sa return of warrant. — VBL, GMA Integrated News
