Ihaharap muna si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang korte sa Netherlands bago siya ihatid sa International Criminal Court (ICC), ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Miyerkoles.

Ayon kay Castro, didinggin muna ng korte sa Netherlands kung wasto ang ginawang pag-aresto kay Duterte sa Pilipinas bago siyang dalhin sa ICC.

''Sa aking pagkakaalam, dadalhin muna siya sa isang local court at doon titingnan, aalamin kung tama ba 'yung proseso ng pag-arrest at kapag po navalidate, na sinabi naman na tama ang pagkakadala sa kaniya sa bansang kung saan siya dadalhin, dadalhin na po siya sa The Hague, sa ICC,'' sabi ni Castro sa isang press briefing.

Samantala, kung makikita naman ng ICC na nagkasala si Duterte sa kinakaharap nitong kaso na crimes against humanity, sinabi ni Castro na depende sa mga hukom kung paparusahan ang dating pangulo ng pagkakakulong ng hanggang 30 taon o habambuhay.

Una rito, sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na natanggap ng Interpol Manila ang official copy ng ICC warrant ilang oras bago dumating si Duterte sa NAIA mula sa Hong Kong nitong Martes ng umaga.

Idinepensa ni Marcos na kailangang ipatupad ng Pilipinas ang pagdakip mula sa Interpol "because Interpol asked us to do it and we have commitments."

Sinabi ng pangulo na tama ang ginawang pagdakip at sinunod ang lahat ng kailangang proseso.

Kinagabihan ng Martes, inilipad na si Duterte at dumating sa Dubai dakong 8:03 a.m. kaninang umaga para sa layover. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News