Nasawi ang apat katao matapos masunog ang isang bahay-kalinga para sa mga homeless sa Sao Paulo, Brazil. Ang sadyang pagsunog umano ng isang lalaki sa bahay, nahuli-cam.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood sa video ang isang lalaki na nakabisikleta na tumigil sa harap ng bahay bandang 12:30 a.m., na halos wala noong dumadaang sasakyan sa kalsada.
Ilang minutong tumigil sa harap ng bahay ang lalaki at tila may kinakalikot habang nakatayo.
Sandaling huminto ang lalaki nang may dumaang sasakyan. Makaraan pa ang ilang saglit, yumuko siya at may ginawa sa upuan bago nagmadaling sumakay sa bisikleta.
Makalipas ng isang minuto, sumiklab na ang isang apoy sa harap ng bahay. Kalahating oras ang tumagal bago tuluyang nilamon ng apoy ang bahay.
Nanlumo ang pulisya at mga bumbero dahil mga homeless na kinakalinga ng isang organisasyon ang mga nasa loob noon ng bahay.
May mahigit 20 tao ang natutulog sa shelter nang mangyari ang insidente. Apat sa kanila ang hindi nagawang makalabas ng buhay, na nasa edad 50 hanggang 61-anyos.
Ayon sa Fire Department, may anim na bedridden noon sa shelter ang muntikang ma-trap. Sa kabutihang palad, nagawa silang iligtas ng rescue teams.
Walo naman ang isinugod sa ospital dahil sa mga tinamong paso at sugat.
"According to the police report a witness saw the accused set fire to a sofa before fleeing. The case was registered as arson, homicide and attempted murder," sabi ng State Public Security Secretariat.
Nadakip ang 42-anyos na suspek sa krimen.
Hindi pa inilalahad ng mga awtoridad ang kaniyang motibo ngunit kumbinsido ang tagapamahala ng shelter na sinadya ang panununog.
"There is preliminary information that indicates the possibility that the fire was arson which further increases our anguish and our desire for justice," sabi ng Comforter of the Afflicted, tagapamahala ng shelter. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
