May suot na headphone at nakaupo sa motorsiklo nang pagbabarilin at mapatay ang isang 31-anyos na lalaki sa Barangay Kalawaan, Pasig City kagabi.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, makikita ang biktima na wala nang buhay na nakaupo at nakasubsob sa motorsiklo habang nakasandal sa pader.
Ayon sa isang residente malapit sa pinangyarihan ng krimen, kaibigan ng kaniyang kapatid ang biktima, at nagulat sila matapos makarinig ng magkakasunod na putok ng baril.
Hindi umano pagmamay-ari ng biktima ang motorsiklo na kinauupuan nito.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, may nakaaway ang biktima bago naganap ang pamamaril.
“‘Yung ating biktima ay may kausap na isang lalaki. Sa katagalan, bigla na lang may narinig na pagtatalo. Pagkatapos ng pagtatalo, bumunot ‘yung suspek natin ng baril, pinutukan na ‘yung victim,” sabi ni San Joaquin Police Substation Commander Police Captain Gilbert Bruan.
Sinabi ng barangay na wala silang ideya sa mga nakaalitan ng biktima na matagal nang nakatira sa lugar.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan para sa pagkakakilanlan ng salarin at motibo niya sa krimen.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
