Inihayag ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na bibigyan ng medalya ang babaeng pulis na nagkaroon ng malaking bukol sa noo matapos na hampasin umano ng cellphone ni Honeylet Avanceña, common law wife ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Nangyari ang insidente ng pamamalo noong Martes nang arestuhin si Duterte ng mga awtoridad, base sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court laban sa dating pangulo.
Sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III, na bibigyan din ng three-day leave ang nasaktang pulis.
“Sa ngayon, bibigyan na lang namin ng Medalya ng Sugatang Magiting dahil may kasama 'yung three days leave. Kaya ma-enjoy niya 'yung leave na 'yun dahil napukpok siya ni Honeylet sa ulo,” ayon kay Torre.
Ibinigay ang Medalya ng Sugatang Magiting sa pulis na "wounded in action against an enemy as a direct result of an act of the enemy."
Nauna nang sinabi ng PNP na posibleng kasuhan ng pulis si Avanceña ng direct assault dahil sa ginawang pananakit.
Pero kung si Torre ang tatanungin, sinabi ng opisyal na hindi na siya magsasampa ng reklamo laban sa kampo ni Duterte.
Hindi na magrereklamo
Nitong Biyernes, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, na nagpasya ang pulis na huwag nang kasuhan si Avanceña sa ginawang pananakit sa kaniya.
Ayon kay Fajardo, nakausap niya si Special Action Force (SAF) chief Police Major General Mark Pespes, tungkol sa desisyon ng nasaktang tauhan.
“Personal decision po ng pulis na huwag na pong magsampa ng kaso at ang reason niya ay kasama ‘yun sa hazard ng kanyang trabaho. Kaya okay lang,” ani Fajardo.
“Magpapagaling lang daw siya at back to work na raw po siya," dagdag nito. -- FRJ, GMA Integrated News