Nasawi ang isang 14-anyos na babae matapos saksakin ng 15-anyos na lalaking estudyante sa loob ng isang paaralan sa Parañaque City nitong Miyerkoles ng hapon.

Sa ulat ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabing kapuwa Grade 8 student ang suspek at ang biktima sa Moonwalk National High School.

Batay sa impormasyon mula kay Police Lieutenant Colonel Eric Angustia, Deputy Chief of Police ng Parañaque City, dakong 1:00 pm kahapon nang nangyari ang krimen.

Dead on arrival sa ospital ang biktima, habang naaresto naman ang suspek, na mula sa police station ay inilipat na sa Bahay Pag-asa ng Department of Social Welfare and Development dahil sa pagiging menor de edad nito.

 

 

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen pero sa inisyal na impormasyon ay tinitingnan umano ang anggulo ng bullying.

Wala pang pahayag mula sa mga kaanak ng suspek.

Dahil sa nangyaring krimen, kinansela ng paaralan ngayong araw ang face to face classes.

Sa hilaway na ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa loob mismo ng silid aralan.

Ayon kay Angustia, sinabi ng isang guro na lumapit sa kaniya ang biktima para magsumbong na may dalang kutsilyo ang isa niyang kaklase, at pinagbabantaan siyang sasaksakin.

"Kinuha [ng suspect] yung kutsilyo na nasa bag [pagpasok ng biktima at teacher sa room], doon na po sinaksak yung biktima. Apat po yung saksak na natamo ng biktima. Halos lahat po sa parteng dibdib,” sabi ni Angustia.

Nakatakbo pa umano ang biktima pero hinabol pa rin ng suspek bago naawat ng guwardiya sa paaralan.

Ayon sa ina ng biktima, nauna nang nagsumbong sa kaniya ang anak noong Martes tungkol sa pagbabanta ng suspek na nambu-bully umano sa kaniya.

“Ang sabi niya po sa akin, ‘Mama, sasaksakin ako ng bakla. Binubully-bully po ako, Mama. Marami po kaming magkaka-classmate. Mama, papatayin niya ba ako?’” kuwento ng ginang.

“Anong nangyari sa anak ko? Wala namang kapalit sa tindahan ang buhay ng anak ko. Bakit ganoong kadali, pinabayaan niyo?” hinanakit niya.

Ayon naman sa pulisya, sinabi umano ng suspek na siya ang binu-bully ng biktima.

“Binu-bully daw sa school. Kasama daw po yung biktima na nambu-bully sa kaniya, Kaya niya nagawa yung ganoong krimen,” pahayag ni Angustia.

“Dala niya ang kutsilyo. May intensyon talaga siyang gamitin ang kutsilyo at manakit ng tao,” sabi pa nito.

Naglabas naman ng pahayag ang pamunuan ng paaralan sa nangyaring krimen at nagpa-abot sila ng pakikiramay at suporta sa pamilya ng biktima.

Nangako rin silang hihigpitan ang pagsusuri sa mga estudyanteng pumapasok upang hindi na maulit ang nangyari.

"We want to assure our community that this was an isolated incident, and the is no ongoing threat to the safety of our learners. The school is committed to providing a safe learning environment, and we are taking immediate steps to address this situation by tightening bag inspections to our learners and other safety and security measures," ayon sa pahayag.

 

 

Lubos din umanong nakikipagtulungan ang paaralan sa isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matiyak na maibibigay ang hustisya.  -- FRJ, GMA Integrated News