Dumating sa Hungary nitong Huwebes si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, ayon sa Hungarian defense minister. Sa kabila ito ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa lider ng Israel dahil sa umano'y war crimes sa Gaza.

"Welcome to Budapest, Benjamin Netanyahu!" saad ni Kristof Szalay-Bobrovniczky sa Facebook habang sinisimulan ni Netanyahu ang pagbisita mula sa imbitasyon ni Prime Minister Viktor Orban.

Binati ng ministro si Netanyahu nang dumating sa paliparan sa kabisera ng Hungary dakong 02:30 am (0030 GMT) local time.

Makikipagpulong si Netanyahu kay Orban at dadalo sa isasagawang joint press conference bandang 12:30 pm (1030 GMT).

Inimbitahan ni Orban si Netanyahu noong nakaraang November, isang araw lang matapos maglabas ng arrest warrant ang ICC laban sa naturang lider ng Israel.

Nangako ang lider ng Hungary na hindi ipatutupad ng EU member ang warrant, sa kabila ng pagiging miyembro ng mga ito, at sinabing ang desisyon ng ICC ay panghihimasok sa "ongoing conflict... for political purposes."

Iginiit ng ICC na nakabase sa The Hague, na "legal obligation" at "responsibility towards other state parties" ng Hungary na ipatupad ang desisyon ng korte. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ, GMA Integrated News