Humantong sa hampasan ng upuan at sakitan ang pag-aasaran at pikunan ng dalawang tao sa isang umpukan sa Quiapo, Maynila. Ang kanilang pag-aaway, dahil umano sa talo sa online gambling.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang video ng asaran ng dalawang tao Huwebes ng hatinggabi.
Ilang saglit lang, napikon ang isa sa kanila at sinugod ang taong nakatayo. Kalaunan, naghampasan na sila ng upuan at nagsakitan.
Nakunan din sa video na isa sa mga nakatambay ang agad kinuha at itinabi ang kutsilyo na nakalapag sa mesa.
May isa pang tao na pilit na inaawat ang dalawa.
Batay aa caption ng uploader ng video, talo umano sa online gambling ang unang nanakit na nakilalang si alyas “Abby.”
Nakakuha ng iba’t ibang reaksyon sa social media ang video na umabot na sa 4.5 milyong views.
Ayon isa sa mga sangkot na kilala sa tawag na “Marla,” nanonood lang siya sa cellphone ni alyas “Abby” na nagsusugal noon nang bigla siya nitong sinabihan na malas siya.
“Parang galit na galit po siya sa akin. Suwerte po ako rito. Kasi po kahit hindi po ako taga-rito minamahal po ako ng mga tao,” sabi ni “Marla.”
May hinanakit din sa ilang tao sa lugar si “Marla.”
“Sila po ang unang nagbibiro sa akin tapos kapag nagsalita naman po ako, napipikon sila. Ako na nga lang po ang umaalis palagi kapag inaasar nila ako eh,” sabi ni “Marla.”
Sinabi ng barangay na agad nilang inaksyonan ang insidente. Hindi na ito iniulat sa pulisya.
“Napag-ayos naman din po sila agad-agad. Kapag hindi ating kabiruan, huwag nating bibiruin basta-basta. Para hindi po tayo napapalo ng bangko,” sabi ni Winston Dizon, SK Kagawad ng Brgy. 306.
Sinusubukan pang kunan ng pahayag ng GMA Integrated News si alyas “Abby.”—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News
