Inanunsyo ng Malacañang na inalis sa puwesto ang principal sa Antique na nag-utos sa mga magtatapos na Senior High school students na hubarin ang kanilang toga.

''Ang sinasabi pong guro ay tinanggal na po bilang principal sa nasabing eskwelahan,'' ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing nitong Biyernes.

''Tinanggal lamang po siya sa pagiging principal, 'yung license naman po niya ay di naman manggagaling sa pag'-uutos ng Pangulo o DepEd Secretary,'' paliwanag ni Castro. 

Sa nag-viral na video, mapapanood ang pag-anunsyo ng principal sa stage na hindi dapat magsuot ng toga ang mga graduating students batay sa Department of Education (DepEd) guidelines na gawing simple ang seremonya ng pagtatapos.

Pero naglabas ng pahayag ang DepEd na walang alituntunin na nagbabawal sa mga magtatapos na magsuot ng toga.

''There is no prohibition under DepEd Memorandum No. 27, s. 2025 and under DepEd Order No. 009, s. 2023, the prescribed attire for graduation and moving-up ceremonies includes casual or formal wear or the school uniform,'' ayon sa DepEd bilang reaksyon sa nangyaring insidente.

"The toga or sablay may be worn as an optional supplementary garment," dagdag nito.

Dahil sa nangyari, inimbestigahan ng Schools Division ng Antique ang insidente, at pinagpapaliwanag ang naturang principal.— mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News