Inihayag ng transport group na MANIBELA ngayong Biyernes na hanggang P2 na pansamantalang taas-singil sa pamasahe ang maaaring hilingin nila para sa public utility vehicles (PUVs). Bunsod ito ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa kaguluhan sa Middle East.

“Last resort po namin ito dapat, kung mabibigyan tayo ng ayuda at mababawasan ‘yung excise tax at value added tax o ma-suspend,” MANIBELA chairperson Mar Valbuena told GMA Integrated News’ Unang Balita in an interview.

“Ang mangyayari po kasi ngayong susunod na linggo, P15 na naman ang itataas. So siguro panahon na para kasama na kami sa manawagan na magtaas kahit na provisional lang o pansamantala lang na P1 o P2,” dagdag niya.

Suportadp umano ng MANIBELA ang mungkahing suspindihin ang excise taxes sa fuel dahil makakabawas ito ng hanggang P6 per liter sa diesel at P10 per liter naman sa gasolina.

Ayon pa kay Valbuena, maraming tsuper ang nawawalan ng P400 hanggang P500 na kita kada araw dahil sa pinakahuling taas-presyo ng krudo. Sinabi rin niya na tumaas na ng P25 hanggang P30 presyo ng kada litro ng mga produktong petrolyo sa mga gasolinahan nitong mga nakaraang linggo.

Dahil dito, napipilitan umano ang mga driver ng pampublikong sasakyan na magpalitan o mag-iskedyul ng biyahe upang maiwasan ang matinding kompetisyon sa paghahanap ng mga pasahero, lalo na sa mga oras na kakaunti ang sumasakay.

Idinagdag ng MANIBELA na hindi sapat ang ibibigay na P5,000 fuel subsidy ng pamahalaan na nakatakdang ipamigay sa susunod na linggo na magsisimula sa Metro Manila.

Tungkol naman sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabi ni Valbuena na maraming tsuper ang nahihirapang maging kuwalipikado dahil sa dami ng rekisito na hinihingi ng mga local government unit (LGU).

Ipinahayag din niya ang pag-aalala sa paggamit ng lumang listahan ng mga benepisyaryo na ginamit pa noong panahon ng COVID-19 pandemic para sa programang cash assistance.

“Deadline kahapon yung pagsa-submit. Dapat po ma-extend po ito,” ayon kay Valbuena.

Sa hiwalay na panayam sa 'On Record' ng GMA show Unang Hirit, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na hiwalay ang P5,000 cash aid na manggagaling sa kanilang kagawaran, sa P5, 000 fuel subsidy na mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Idinagdag niya na ang listahan lang ng mga tricycle driver ang hinihingi ng DSWD sa local governments. Hindi na umano nila kailangan ang listahan ng mga jeepney driver dahil makukuha na umano ito sa record ng LTFRB.

“Medyo advanced ‘yan kasi tricycle driver pa lang naman ang hinihingi namin. At alam ko sa LGU, wala na silang hininging dagdag requirements kasi nasa talaan na nila ‘yan,” paliwanag niya.

“Ngayon yung pagdating sa MANIBELA, sa LTFRB namin kukunin yung listahan. Nagpapatulong lang ang LTFRB sa ating mga LGU na siguraduhin na yung driver tama ang pangalan at kung multiple drivers yan, kumpleto,” dagdag ng kalihim. —Joviland Rita/ FRJ GMA Integrated News