Sa ikalawang sunod na linggo, inaasahan na magkakaroon na naman ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

“Based on the monitoring in the international oil market, we will expect an increase in the prices of petroleum products by next week,” ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero nitong Biyernes.

Ang tinatayang dagdag sa presyo ay ang mga sumusunod:

Gasoline - P0.80 to P1.40 per liter
Diesel - P0.40 to P1.00 per liter
Kerosene - P0.50 to P0.70 per liter

Ayon sa Energy official, ilan sa mga pandaigdigang usapin na nakaapekto sa galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ang panibagong sanctions ng US laban sa oil shipping network ng Iran.

Bumaba rin ang crude inventories ng Amerika.

“Final adjustment will be determined after today’s trading and oil companies inputs on their related costs,” ani Romero.

Inaanunsyo ng mga oil company ang official price adjustments tuwing Lunes at ipatutupad naman sa susunod na araw ng Martes.

Nitong nakaraang Martes, tumaas ng P1.35 per liter ang presyo ng gasolina. Habang P1.30 per liter ang itinaas ng diesel, at P1.10 per liter sa kerosene.

Ngayong taon, umabot na sa kabuuang P2.30 per liter ang nadagdag sa presyo ng gasolina. 

Samantalang P2.85 per liter ang kabuuang nadagdag sa diesel, habang nagkaroon naman ng pagbababa sa presyo ng kerosene na umabot na sa kabuuang P1.80 per liter. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News