Idinawit sa krimen ng isa sa mga suspek sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que (Anson Tan) at kaniyang driver, ang anak ni Que na si Alvin Que. Ang anak umano ang nagpadukot at nag-utos na iligpit ang sariling ama, ayon sa suspek.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kasama ang 42-anyos na si Alvin Que o Ronxian Gou, sa anim na tao na inirekomendang isalang sa preliminary investigation ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP– AKG) sa Department of Justice (DOJ) nitong April 19.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagsilbing negosyador para sa pamilya si Alvin habang hawak ng mga kidnaper ang amang si Que.

Si Alvin din umano ang nagbayad ng paunang ransom na P10 milyon sa isang cryptocurrency account noong March 31, at karagdagang P3 milyon sa kaparehong account noong April 2.

Abril 9 nang makitang patay sina Que at kaniyang driver sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal.

Unang iniulat na umabot sa P100 milyon ang ibinayad na ransom para sa mga biktima pero pinatay pa rin. –FRJ, GMA Integrated News