Nagsampa ng ethics complaint ang women’s rights advocates laban kay Quezon City Representative Bong Suntay dahil sa kaniyang kontrobersyal na mga pahayag tungkol kay Anne Curtis.
Kasama sa grupong nagsampa ng reklamo si Gabriela Party-list Representative Sarah Elago.
Naghain ang grupo isang araw matapos utusan ng liderato ng Kamara de Representates nitong Miyerkoles si Suntay na humarap sa House Committee on Ethics dahil sa kaniyang mga naging pahayag sa pagdinig ng House committee nitong Martes. Kaugnay ito ng impeachment complaints laban kay Bise President Sara Duterte, kung saan nabanggit niya ang pangalan ni Curtis.
SINO SIYA?: Cong. Bong Suntay, kontrobersiyal dahil sa naging pahayag niya tungkol kay Anne Curtis
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Suntay na nakita niya ang aktres sa isang lugar na humanga siya sa kagandahan nito. Patuloy niya, “may desire sa loob ko na nag-init talaga.”
Kinalaunan, humingi ng paumanhin si Suntay sa aktres at sa mga "na-offend." Ngunit iginiit niyang hindi malisyoso ang kaniyang mga pahayag. Nais lang umano niyang gamiting “analogy” o pagkumpara ang naisip niya tungkol kay Curtis at sa mga alegasyon na ibinabato laban kay VP Duterte.
“There was no malice intended. And if malice is inferred from my statement, I wish to apologize to those hurt or offended,” anang mambabatas.
Binanggit din ni Suntay ang kaniyang record sa pagtataguyod para sa mga karapatan ng kababaihan, at sinabing isa siya sa mga sumulat ng Gender and Development Code at ng Bawal Bastos Ordinance noong konsehal siya ng Quezon City.
Sinabi niyang handa siyang harapin ang mga kahihinatnan ng kaniyang mga sinabi.
“If my colleagues wish to judge me for one statement I made, that is their right. I respect that right,” dagdag niya.
Sinabi ng dating Gabriela party-list Rep. na si Liza Maza, na ang pagsasampa nila ng ethics complaint laban kay Suntay ay dahil wala umanong pagsisisi ang mambabatas sa kaniyang mga komento.
"Pag-aralan niya ang batas kasi mambabatas siya," sinabi ni Maza sa mga reporter pagkatapos magsampa ng reklamo.
“Dahil mambabatas siya, dapat mas malaki ang parusa niya kaysa sa ibang tao," sabi pa ni Maza. -- Tina Panganiban-Perez/Llanesca T. Panti/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

