Regular na kliyente umano ang lalaking nangholdap sa isang bangko sa Western Bicutan sa Taguig nitong Lunes kaya hindi na kinapkapan ng guwardiya at nakapagpasok ng baril.
Ayon sa GMA News Unang Balita nitong Martes, na base sa ulat ng Super Radyo dzBB, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagpanggap umano na magwi-withdraw ang suspek.
Dahil regular siyang kliyente ng bangko, hindi na umano tiningnan ng security guard ang bag ng suspek kaya naipasok nito ang dalang baril.
Pinayagan din siyang gumamit ng banyo na off-limit dapat sa mga kliyente. Nang lumabas na ang suspek mula sa banyo, nakasuot na siya ng bonnet at nanutok ng baril.
Mahigit P7 milyong cash umano ang nakuha ng suspek pero naabutan na siya ng mga rumespondeng pulis makaraang pindutin ng isang teller ang alarm button na nagtimbre sa mga awtoridad.
Nadakip ang suspek na mahaharap sa reklamong robbery at paglabag sa election gun ban.
Hindi na siya nagbigay ng pahayag.
Samantala sa isang pahayag, pinasalamatan ng Philippine Veterans Bank ang Taguig City Police dahil sa agaran nitong aksiyon, at nakikipagtulungan na sila habang gumugulong ang imbestigasyon sa insidente.
Batay sa pag-uulat ng Philippine Veterans Bank, walang nakuhang pera ang suspek at walang nasaktan at ligtas ang lahat ng staff ng bangko.
Idinagdag nitong walang customer sa loob dahil pasara na ang bangko nang mangyari ang insidente.
"Philippine Veterans Bank remains fully committed to the safety and security of our clients, employees, and facilities. Our existing security systems were instrumental in alerting law enforcement and enabling their timely intervention. As part of our ongoing commitment to safety, we are conducting a comprehensive review of our protocols and are investing further in security enhancements," pahayag pa nito.
Bumalik na rin sa normal na operasyon ang bangko. —may ulat ni Jamil Santos/FRJ/AOL, GMA Integrated News
