May aasahan na panibagong tapyas sa presyo sa mga produktong petrolyo ang mga motorista pagkatapos ng halalan sa Lunes, May 12, 2025.

Batay sa pagtaya ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero alinsunod sa resulta ng nagdaang apat na araw na international trading, asahang ang ikalawang sunod na oil price rollback sa susunod na linggo.

Ayon sa opisyal, nasa P1.00 hanggang P1.35 per liter ang maaaring mabawas sa presyo ng diesel; P1.30 hanggang P1.45 per liter sa kerosene; at P0.30 hanggang P0.75 per liter naman sa gasolina.

Maaari pang magbago ang naturang mga halagang nabanggit depende sa kalalabasan ng huling araw ng kalakalan ngayong Biyernes.

Iniuugnay ng opisyal ang inaasahang pagbaba sa presyo ng mga produkto petrolyo bunga ng pasya ng OPEC + at US na taasan ang kanilang oil production sa June.

Kasama rin ang kawalan ng katiyakan sa global tariff na nagdudulot ng pangamba sa suplay ng krudo. Gayundin ang kawalan ng katiyakan sa magiging resulta ng pag-uusap tungkol sa kalakalan ng US at China, na dalawa sa largest oil consumers sa mundo.

Karaniwang inihahayag ng fuel companies ang official price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad naman sa susunod na araw ng Martes.

Nitong nakaraang Martes, nagkaroon din ng tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo na hindi umabot ng P1 per liter, pagkaraan ng dalawang sunod na oil price increase.— mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ, GMA Integrated News