Si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nangunguna sa laban sa pagka-alkalde sa Davao City sa idinaos na Eleksyon 2025 ngayong Lunes, May 12.
Latest partial, unofficial results ng botohan, makikita sa Eleksyon 2025 website ng GMA, na base sa Commission on Elections (Comelec), nakakuha si Duterte ng 637,091 boto, kumpara sa sumunod sa kaniya na si Karlo Alexei Nograles, na may 78,505 na boto.
Batay ito sa 96.16 percent ng naprosesong election returns o katumbas ng 748,031 na boto.
Ang iba pang kandidato sa pagka-alkalde sa lungsod ay sina Bishop Rod Cubos (7,572 boto), Jonathan Julaine (1,290 boto) at Joselito Tan (1,066 boto).
Kasalukuyang nakadetine si Duterte sa International Criminal Court penitentiary sa The Hague.
Sa labanan sa pagka-bise alkalde, nangunguna ang anak ni Duterte na si Baste Duterte na may 628,578 na boto. Sumunod sina Bernie Al-Ag (76,858), Oyie Soriano-Barcena (5,067) at Marcos Alcebar (1,860).
Nangunguna rin sa labanan sa pagka-kongresista ang anak ni Duterte na si Paolo o Pulong sa First District ng Davao CIty na may 196,537 boto. Sumunod sa kaniya si Migs Nograles (47,568 boto), Mags Maglana (3,220 boto), Janeth Jabines (1,750 boto) at Rex Labis (313).
Ang apo ni Duterte na anak ni Paolo na si Omar naman ang nangunguna sa karera sa pagka-kongresista sa ikalawang distrito ng lungsod na may 160,086 boto.
Sumunod kay Omar si Javi Garcia Campos (90,005 boto) at Melogen Montesclaros (1,824 boto).
Bisitahin lang ang GMA News Online at i-click ang eleksyon2025.ph para sa partial, unofficial election results para sa mga kadidatong senador, party-list, at maging sa mga lokal na posisyon. –FRJ, GMA Integrated News
For more Eleksyon 2025 related content and updates, visit GMA News Online's Eleksyon 2025 microsite.