Sa pagpasok ng bagong 12 senador -- kabilang si dating Senate President Tito Sotto-- hindi naiwasang mapag-usapan kung mapapalitan kaya bilang lider ng Senado si Sen. Francis Escudero pagdating ng 20th Congress sa July.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Escudero ngayong Huwebes na siya pa rin ang magiging pinuno ng Senado hanggang sa pumasok ang bagong Kongreso, maliban na lang kung may ibang pipiliin ang mayorya ng kaniyang mga kapuwa senador-- o katumbas ng higit sa 13 boto.
“Sa dulo, ang magpapasya ng Senate president kung manantili man ako o iba ang uupo ay ‘yung mayorya ng Senado,” paliwanag ni Escudero sa Kapihan sa Senado forum.
“Sang-ayon sa rules ng Senado, magpapatuloy ang Senate president kung hindi nag-graduate katulad ng sitwasyon ngayon at magbabago lang yan kung may nagpresenta ng higit sa mayoryang boto kapag nag-resume ang Senado,” dagdag niya.
Nauna nang iniulat na sinabi ni Sotto na handa niyang tanggapin kung nanaisin ng mga kapuwa niya senador na siya ang mamuno sa Senado.
Kapuwa miyembro ng Nationalist Peoples Coalition o NPC sina Escudero at Sotto.
Ayon kay Escudero, hindi lang naman si Sotto ang puwedeng maging lider ng Senado, kung hindi ang sino man sa kanilang mga senador basta makakakuha ng suporta ng hindi bababa sa 13 senador o mayorya.
“Sino man ang may numero dapat tanggapin niya ‘yong responsibilidad at ‘yong hamon na ‘yon kung nasa kaniya ang tiwala ng mas nakararaming senador,” sabi ni Escudero.
Sa ngayon, sinabi ni Escudero na mas nais niyang pagtuunan ng pansin ang mga nakabinbin na mga panukalang batas.
“Katatapos lang ng eleksyon at bangayan at ingay sisimulan ninyo na naman agad. Palipasin ninyo naman tapusin muna natin itong kongresong ito may dalawa pa kaming linggo na marami pa kaming inaasahang mapapasa at maihahabol na mga panukalang batas,” saad niya.
Mayo 2024 nang maging lider ng Senado si Escudero, nang palitan niya si Sen. Juan Miguel Zubiri.
Naging Senate President naman si Sotto mula 2018 hanggang 2022, nang matapos ang kaniyang termino.— mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News