Patay ang isang 31-anyos na lalaki matapos siyang barilin ng kaniyang 72-anyos na kapitbahay sa Pasig City. Napagkamalan umanong akyat-bahay o magnanakaw ang biktima, pero binaril pa rin daw ng suspek kahit nagpakilala na at nagmakaawa, ayon sa saksi.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Alvin dela Cruz, isang driver, may anak na dalawang-taong-gulang, at residente sa Barangay Maybunga.
Sa kuha ng CCTV camera bago mangyari ang krimen, nakita ang biktima na lumabas ng bahay na nakahubad at pumunta sa looban kung saan nakatira ang suspek.
Ilang minuto lang ang lumipas, pumasok din sa loob ang isang lalaki na naging saksi umano sa pangyayari.
Makikita rin ang kapatid ng biktima na pumasok sa looban nang madinig na komosyon.
Ayon sa kapatid ng biktima, tinutukan din siya ng baril at pagtalikod niya ay nakarinig na siya ng putok ng baril.
Sinabi naman ng saksi na nakita niyang naglabas ng baril ang suspek, at kasama nito ang dalawang apo na may hawak naman na pamalo na bakal.
"Nung inaawat namin ayaw magpaawat sabay putok lang sa tagiliran," ayon sa saksi na sinabing nagmakaawa ang biktima na huwag siyang patayin dahil may anak siyang dalawang taong gulang.
Rumesponde ang mga tauhan ng barangay sa lugar at nahuli-cam naman ang paglabas ng suspek sakay ng motorsiklo para tumakas.
Ayon sa opisyal ng barangay, patay na ang biktima nang dumating sila at hinihinalang tinamaan ng bala sa dibdib at tumagos sa tagiliran.
Kuwento ng live-in partner ng biktima, sinasabi ng ilang nakarinig na napagkamalan umano na akyat-bahay ang kaniyang kinakasama at may dala pa umanong martilyo.
Nagpakilala umano ang biktima at ipinaliwanag na may hinahanap lang kaya napunta siya sa lugar.
Kinalaunan, sumuko naman sa mga awtoridad ang suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang suspek. --FRJ, GMA Integrated News
