Pinagsusuntok, pinagsisipa at pinaghahampas ng silya ang isang rider ng apat na lalaki na kaniyang nadaanan sa Tondo, Maynila. Ang biktima, sinimulan kuyugin nang mapatumba niya sa suntok ang isang suspek na unang nanakit sa kaniya.Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa isang maliit na kalsada sa Barangay 111, nitong Sabado, dakong 3:00 am.Sa kuha ng CCTV camera, nakita na tumigil ang rider at sinilip ang kaniyang motorsiklo matapos madaanan ang grupo ng mga suspek.Maya-maya lang, nilapitan ng isa sa mga suspek ang biktima at nagpakawala ng dalawang suntok.Gumanti naman ng suntok ang biktima natumba ang suspek. Dito na rumesbak ang tatlo pang suspek at pinagtulungan na ang biktima.Iniwan nila ang biktima na nakahandusay sa kalsada na walang malay kaya binuhat siya ng ibang residente.Ayon sa barangay, residente nila sa lugar ang biktima at dalawa sa mga suspek.Nag-ugat umano ang gulo nang dumaan ang biktima na sakay ng kaniyang motorsiklo, sa grupo ng mga suspek na katatapos lang umanong mag-inuman.Makikita sa CCTV camera na hinawi ng isang suspek ang biktima nang dumaan sa tapat niya kaya napatigil ang biktima, at doon na nangyari ang bugbugan.Nakainom din umano ang biktima nang mangyari ang insidente, ayon sa barangay.Batay umano sa paliwanag ng asawa ng isa sa mga suspek, sinabi ni Kagawad Peyang dela Cruz, na mabilis umano ang arangkada ng rider at tinamaan nito ang kamay ng isang suspek."Imbes daw na mag-sorry sinabihan sila na 'bakit nasaktan ka ba?," ayon sa kagawad.Nakauwi at pero patuloy na nagpapagaling ang biktima na nagtamo ng mga sugat, habang hinahanap ang mga awtoridad ang mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News