Isang lalaking 10-taong-gulang ang nangisay at nasawi matapos umanong tuliin ng isang nagpakilalang doktor sa isang lying-in clinic sa Tondo, Manila.Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa isang lying-in clinic sa Balut, Tondo, noong May 17, dakong 2:00 pm.Kuwento ng ina ng bata na si Marjorie San Agustin, malakas ang anak niyang si Nathan nang dinala niya sa clinic para matuli.Ayon kay Marjorie, isang lalaking nagpakilalang doktor ang nagtuli sa kaniyang anak. Tinurukan din umano ng anesthesia na 20cc ang kaniyang anak, batay sa sinabi ng isang staff.Tinanong pa umano ni Marjorie ang anak kung ano ang pakiramdam, at sumagot ang bata na wala na siyang nararamdaman.Pero matapos ang proseso, napansin umano ni Marjorie na nanginginig na ang anak."Tapos po sabi ko po sa doktor kung normal lang po 'yan kasi po natatakot na po ako eh. Sabi po ng doktor, normal lang daw po 'yan kasi daw po groggy. Tapos na po, nangingisay na po siya," umiiyak na kuwento ng ginang. "Nakadilat po, tapos parang wala na po sa sarili."Dinala sa ospital si Nathan pero pumanaw na siya."Kung may kasalanan po sila, hindi ko po sila mapapatawad. Sobrang sakit po, wala na po 'yung anak ko. Hindi po kaya ilibing 'yung anak ko," anang ginang.Nag-report ang pamilya sa Manila Police District at nagpunta rin sa National Bureau of Investigation para maimbestigahan ang nangyari sa bata."Iniimbestigahan namin, but then number one 'yan is the autopsy. Kung ano resulta ng autopsy, kung meron dapat managot or what," ayon kay NBI Director Jaime Santiago."Malaman namin 'yung cause ng death. Isu-subpoena namin siya kung anong prosedure ang ginawa niya," patungkol ni Santiago sa doktor.Pinuntahan ng GMA Integrated News ang klinika pero sinabing wala doon ang sinasabing doktor na nagtuli sa bata para makuhanan ng pahayag. -- FRJ, GMA Integrated News