Inihayag ng Department of Education (DepEd) na iniutos ni Secretary Sonny Angara sa mga regional at division offices ang mabilis at epektibong pag-recruit sa 16,000 na bagong guro na kakailanganin para sa pagbubukas ng School Year 2025-2026.
Ayon sa DepEd, makatutulong ang paunang 16,000 teaching positions na nalikha sa pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM) upang mabawasan ang siksikan sa mga silid-aralan at mapagaan ang trabaho ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Layon din nitong tugunan ang kakulangan sa mga guro na may angkop na espesyalisasyon, partikular sa kindergarten, elementarya, at subject-specific areas sa junior and senior high school.
Ayon kay Angara, mahalaga ang maagap na pagtatalaga sa mga bagong guro upang matiyak ang maayos at epektibong pagbubukas ng klase.
Magsisimula ang School Year 2025-2026 sa June 16, 2025 at magtatapos sa March 31, 2026.
Sinabi ng DBM na ang 16,000 bagong posisyon ay bahagi ng unang batch mula sa target na 20,000 posisyon na lilikhain ngayong taon.
Dagdag pa ng ahensya, sinimulan na rin ng DBM ang paglalabas ng NOSCA para sa 10,000 item para sa Administrative Officer II (AOII).
“Recruitment and assessment of applicants in the SDOs have been ongoing since January this year, and divisions with large applicant pools were even authorized to begin calls as early as October 2024,” ayon sa DepEd. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ, GMA Integrated News