Hindi raw totoong doktor ang nagtuli sa isang 10-anyos na batang lalaki na nasawi matapos ang operasyon sa Tondo, Maynila.

Ang gumawa ng nasabing operasyon ay isa raw umanong babaeng senior citizen na isang midwife o komadrona at nagpapanggap umanong doktor.

Naaresto noong 2023 ang suspek matapos salakayin ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang isang lying-in clinic sa Balut, Tondo, Maynila.

Nakatanggap kasi sila ng reklamo na ang nangangasiwa raw ng clinic ay isang babaeng senior citizen na nagpapanggap umanong doktor.

Ginagamit daw ng suspek ang pangalan at license number ng isang lehitimong doktor na nakatrabaho niya mahigit 20 taon na ang nakalipas.

Ayon sa barangay, nakapagpiyansa ang suspek noon.

Ngayon, siya rin umano ang nagpakilalang doktor at tumuli sa sampung taong-gulang na si Mc Nathan.

Namatay ang bata nitong Sabado.

Ayon sa barangay, matagal nang walang permit ang clinic ng suspek.

"Walang request so ang alam namin, hindi siya nag-ooperate... Ang alam namin, licensed midwife siya. Pero doktor? Hindi," ani Kagawad Maria Christina Tipon ng Barangay 146.

Payo ni Tipon sa publiko, "maging vigilant sila kung registered ba, kung ano ba. Tsaka ang dami-dami natin ospital na puwede nilang puntahan."

Kinumpirma rin ng nanay ng bata na si Marjorie na ang babaeng nahuli noong 2023 at ang babae na nagpakilalang doktor sa kanila ay iisa.

Sa kuwento niya, natuklasan niya lang online ang clinic dahil assistant doon ang isa sa kaniyang mga kakilala.

Sinabi pa raw sa kaniya na tatlo na ang kanilang natuli noong araw na iyon.

Sa halagang P1,200, napapayag na si Marjorie na doon ipatuli ang anak.

Bago tuliin, tinurukan daw ng anesthesia ang kaniyang anak, na ayon sa assistant sa clinic ay nasa 20 cc ang dose.

Ilang minuto matapos ang pagtutuli, napansin ni Marjorie na biglang nanginig ang kaniyang anak.

"Napatagal pa po du'n dahil ang sabi po sa 'kin ng doktor, normal lang po 'yun kasi groggy po. Pati 'yung assistant ['yun din ang sinabi]. Tapos nu'ng nakikita ko na pong nangingitim 'yung anak ko, tinakbo na po namin ng ka-live-in ko sa ospital. Tapos ayun po, dead on arrival na po," kuwento ni Marjorie.

Matapos mangyari ang insidente, dinala niya sa Manila Police District ang babaeng nagtuli sa kaniyang anak.

Pero pinauwi rin ang suspek dahil kailangan pa raw i-autopsy ang bangkay ng bata.

Nakatakdang i-autopsy ng NBI ang bangkay ng bata para malaman ang sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Nagdadalawang isip pa raw dito ang pamilya ng biktima. Ayon sa ina ng bata, naaawa siya sa sinapit ng kanyang anak.

Ayon sa pamilya, aabutin ng mga pitong araw bago lumabas ang resulta ng autopsy.

Kahapon ng umaga, nagtungo na ang GMA Integrated News sa clinic pero sabi ng humarap ay wala  raw ang nag-opera sa bata.

Nag-iwan ng calling card ang GMA Integrated News sa clinic para matawagan ito pero wala pang tawag mula sa clinic nitong Miyerkoles ng umaga.

Sinubukan din ng GMA Integrated News na magtungo sa clinic ngayon pero walang taong humarap.

Samantala, nakikipag-ugnayan ang GMA Integrated sa Manila Police District para malaman ang mga developments sa kaso. —KG, GMA Integrated News