Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Miyerkoles na muli nilang ipatutupad ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Lunes, May 26, 2025.
Ginawa ni MMDA chairperson Romando Artes ang pahayag isang araw matapos alisin ng Supreme Court ang temporary restraining order laban sa NCAP ng MMDA.
Hindi kasama rito ang NCAP ng mga lokal na pamahalaan.
“Wala naman pong pagbabago. Dati naman na po naming ini-implement 'yan. Na-TRO lang po,” sabi ni Artes sa panayam ng GMA News Unang Balita.
“Basically, 'yung mga violations po instead na physically na i-apprehend ng ating enforcers, ay CCTV cameras na po ang huhuli. Then, ipapadala na lang po namin 'yung notice of violation sa registered address nila sa [Land Transportation Office],” dagdag niya.
Ayon kay Artes, maglalagay ang MMDA ng mas marami pang CCTV cameras.
Sinabi ni Artes na puwedeng i-contest ng motorista ang kanilang violation sa NCAP sa Facebook page at website ng MMDA.
Nitong Martes, sinabi ni SC spokesperson Atty. Camille Ting, na ang urgent motion ng MMDA na alisin ang TRO sa NCAP ang kinatigan ng mga mahistrado.
“If you remember, the TRO the court issued last August 2022, the TRO covers the MMDA resolution and the local city ordinances. So the TRO here is only lifted with respect to the MMDA but it still remains with respect to the LGU ordinances,” anang opisyal.
“It can only be implemented by the MMDA in major thoroughfares kasi ‘yung MMDA resolution only refers to major thoroughfares, especially C5 and EDSA,” dagdag niya.
Inilabas ng SC ang TRO sa NCAP noong August 2022 mula sa petisyon ng transport groups na Kapit, Pasang Masda, Altodap, at the Alliance of Concerned Transport Organizations.
Kinuwestiyon din ng transport groups ang mga ordinansa sa NCAP ng mga lungsod ng Manila, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa, at Parañaque.
Kabilang sa puna laban sa NCAP na ang may-ari ng sasakyan ang pinagbabayad sa violation ng driver-- pribado o pampublikong sasakyan.
Para sa transport groups, unconstitutional ang naturang patakaran ng NCAP.
Ayon kay Ting, hindi pa naglalabas ng pasya ang SC tungkol sa mismong petisyon.
“If they decide with finality, then it's either the TRO is lifted all the way or it's completely not enforceable,” aniya.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News