Nagbigay ng pahayag si Xander Ford tungkol sa mga negatibong puna na nag-expire na umano ang kaniyang retoke sa mukha makaraan ang kaniyang pagsikat noon.

“Actually, ‘yun po talaga 'yung ilong ko noong lumabas ako. Ito na talaga siya, ma'am. Nag-expand lang 'yan ma'am, kasi tumaba po ako. Ilong, tiyan,” sabi ni Xander sa kaniyang guesting kamakailan sa “Kay Susan Tayo! Vlogs.”

Pagbabahagi ni Xander, nagpatong-patong ang mga pinagdadaanan niya noon, kabilang ang mga problema sa sariling pamilya, at pamilya ng kaniyang kinakasama na si Gena Mago.

“Tapos nagkaroon ako ng mga acne. Sobrang stress kasi. Nu’ng buntis 'yung asawa ko, siyempre, wala akong trabaho. Naaksidente 'yung parents niya. Fifty-fifty, parehas. 'Yung papa ko, na-mild stroke. 'Yung mother ko, nasa ibang bansa Nag-broken family kami,” saad niya.

Bukod dito, dinamdam din ni Xander ang mga komento ng kaniyang mga basher.

“So, 'yung stress ko talaga, dumagdag pa 'yung mga sinasabi ng tao na laos ka na, gano'n. Siyempre, kahit strong ako, meron pa rin inside na [mahina].”

Ayon sa kaniya, nagkaroon din ito ng epekto sa kaniyang mental health.

Naging bukas din si Xander na sinubok din ang kaniyang paniniwala sa Diyos dahil sa kaniyang naranasan noon. Dumating umano siya sa pagkakataon na sinisi niya ang Diyos.

Kalaunan, may nakilala si Xander sa simbahan na nagbigay sa kaniya ng payo.

“Ang ginawa ko, ma'am, nagbabasa ko ng Bible. Hindi ko naiintindihan 'yung binabasa ko, ma'am. Hanggang sa nahi-heal ko 'yung sarili ko po,” pagbahagi niya.

Matatandaang sa isang video, emosyonal na inihayag ni Xander na humingi siya ng tawad sa mga nasaktan niyang tao, at patuloy siyang lumalaban sa buhay.

“Araw-araw akong nanghihingi ng tawad sa Panginoon. Sa mga taong nasaktan ko. Pero lumalaban ako kasi alam ko meron taong naniniwala sa akin. At saka alam ko inaasahan ako ng anak ko,” sabi niya.

Panoorin ang buong panayam kay Xander kung saan ibinahagi niya kung papaano nagsimula ang kaniyang retoke, at ang muli niyang pagbangon sa buhay para sa kaniyang mag-ina. – FRJ GMA News