Sa kauna-unahang pagkakataon, isinagawa ng mga Pinoy ang tradisyunal na Santacruzan sa Zagreb, Croatia.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing tampok sa Santacruzan ang “Sagala” na kumakatawan sa mga reyna na mula sa luma at bagong Tipan.
Suot ang magandang kasuotan, dinaluhan ng maraming Pilipino na mula pa sa iba’t ibang bahagi ng Europe ang pagtitipon.
Isang misa rin ang idinaos sa Saint Vincent de Paul church. Sa homily, ipinaliwanag ni Father Andrew Bayal, ang kahalahagahan ng santacruzan na patunay na nananatiling buhay ang pananampalataya at kultura ng mga Pinoy, saan man sila naroroon.
Ang Santacruzan ay isang marangyang prusisyon na isinasagawa tuwing pagdiriwang ng Flores de Mayo sa buwan ng Mayo, bilang parangal sa Mahal na Birheng Maria.
Ang prusisyon ang nagsisilbing pagtatapos ng isang buwang pagdiriwang at inilalarawan nito ang pagkakatuklas ng Banal na Krus ni Helena ng Constantinople at ng kanyang anak na si Constantine.
Sa isang panayam ng Radio Veritas noong Mayo, sinabi ni Cardinal Jose Advincula ng Maynila na ang pagdiriwang ay paggunita, hindi lamang sa paghahanap ni Santa Helena sa Banal na Krus, kundi pati na rin sa mas malalim na kahulugan ng Krus sa buhay ng mga Kristiyano.
Dagdag pa ni Cardinal Advincula na ang Santacruzan ay hindi lamang isang makulay na tradisyon, at hindi rin paligsahan ng kagandahan, kundi isang paanyaya at paalala upang ipagmalaki at isabuhay ang pananampalataya. – FRJ GMA News
