Apat na tao, kabilang ang isang menor de edad, ang nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan sa nangyaring pamamaril sa Kadayangan, Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM) nitoong Martes, Hunyo 2, 2026.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, inihayag ng mga awtoridad na tatlo sa mga nasawi ang nakita sa loob ng isang bahay Barangay Malingao dakong 8:40 a.m.
Limang iba pa ang sugatan na dinala naman sa ospital dahil din sa tinamong mga tama ng bala.
Pero ang isa sa kanila na 17-anyos, nasawi habang ginagamot sa ospital.
Nakakuha ang mga awtoridad ng ilang basyo ng bala mula sa 5.56 kalibre na baril sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang nangyaring pamamaril pero patuloy pa ang kanilang imbestigasyon at pagtukoy sa mga salarin.
“According sa nakuha nating information from the witnesses and investigator-on-case, malamang drug-related kasi itong naging motive ng nangyaring shooting incident,” sabi ni PRO-BAR Spokersperson, Capt. Steffi Salanguit. – FRJ GMA News
