Ibinahagi ni Matet De Leon kung paano niya nadiskubre na inampon siya ng namayapang “Superstar” na si Nora Aunor noong sanggol pa lang siya. Nasasaktan pa ba siya kapag tinatawag na ampon? Alamin ang tugon ng aktres.
“Nakakaumay na nga eh,” sabi ni Matet sa nakaraang guesting niya sa “i-Listen” ni Kara David.
Ayon kay Matet, ang ina ni Nora, na kaniyang tumayong lola, ang tunay na umampon sa kaniya.
Ngunit eksaktong isang-taong-gulang siya noon nang pumanaw ang kaniyang lola.
“Actually my grandma, ang mommy ni mommy (Nora), siya ang kumuha sa akin. But after a year, one year old, first birthday party ko… my Lola died. On my birthday. On her way to my party, she died. So, naging death anniversary niya 'yung birthday ko. May choice si mommy, na ibigay na lang, ibalik na lang ako,” ani Matet.
Sa kabila nito, pinili ni Nora na kupkupin pa rin siya.
“Kasi mara-remind din siya ng pagkawala ng nanay niya. Hindi niya ako binalik. ‘Akin na ‘tong bata, akin na.’ And that is stronger than any blood or biological,” sabi ni Matet.
Sa kaniyang paglaki, naranasan daw nina Matet at mga kapatid na sina Lotlot, Kenneth, at Kiko na makutya sa pagiging ampon nila.
“Para lang alam din ng mga nanonood at nakikinig sa atin. May nauna na sa kanila. Nauna na 'yung mga helpers, 'yung mga drivers na hindi masyado napapansin ni mommy. Nauna na sila na kutyain kami. So, hindi na kami masyadong napipikon diyan. Wala akong nakikitang mali sa pagiging adopted,” sabi niya.
Ikinuwento ng aktres kung paano niya unti-unting natuklasan ang tungkol sa kaniyang pagiging ampon.
“Since nagkaisip ako,” sabi niya.
“Tinago. Eh si mommy hindi niya alam na alam ko na. Nababasa ko sa diyaryo, ‘Mga ampon ni Nora.’ And then the drivers and the helpers would say, ‘putok sa buho,’ ‘ampon ka lang naman eh,’ ginagano’n,” dagdag ni Matet.
Kalaunan, kinausap siya ng kaniyang ate na si Lotlot tungkol dito.
“So, there was one time, sinabi ko sa kapatid ko, kay Kiko, ‘Huwag mo akong anuhin, ampon ka lang eh,’ narinig ni ate Lot. Nu'ng narinig ni ate Lot, sinimulan na ako. Ten years old yata ako. Sinabi na ni ate sa akin,” sabi niya.
Hanggang sa dumating din ang pagkakataon na si Nora na rin ang kumausap kay Matet ang tungkol sa pagkupkop nito sa kaniya.
“Sinabi niya noong bandang 12 na ako. She felt like it was time. Tinawag ako and then she said, ‘Alam mong ikaw, sabi niya, anak kita. Si kuya mo, lumabas sa katawan ko. Pero kayo, anak ko kayo sa puso. Binigay kayo ng Diyos sa akin,’” pag-alala ng aktres.
Si Matet naman, nagkunwaring hindi pa niya ito alam.
“So sabi ko nga, nu'ng time na sinabi niya sa akin 'yun, gumano’n (nagulat) ako, umarte ako na kunwari hindi ko pa alam. Kasi baka magalit kay ate,” kuwento ni Matet.
Ayon kay Matet, naniniwala ang Superstar na biyaya ang Diyos ang kaniyang mga anak, mapa-biological man o adopted.
“Same sila ni Ate Lot actually ng pagkakasabi. Hindi puwedeng may dumating na tao sa buhay mo na hindi binigay ng Diyos sa iyo. Hindi puwede 'yun. So, binigay kami ng Diyos talaga sa kaniya at may rason kung bakit naging anak kami ng nanay naming,” saad niya.
Sa kabila pa nito, hindi ipinaramdam ng Superstar ang pagiging ampon sa mga kinupkop niyang anak.
“'Yung sa amin, alam mo, never namin naramdaman na adopted. Because parehas ang turing eh, sa tunay na anak. Parehas na parehas. Minsan, mas kami pa paborito. May mga gano’n. Itong buwan na ‘to, siya ang paborito. Tsaka 'yung dalawang lalaki, sa akin galit,” kuwento ni Matet.
“Pare-parehas eh. Pantay-pantay ng turing. Kung sinong papagalitan, ikaw ang papagalitan. Kung anak ka man o ampon o ano, wala eh. ‘Di namin talaga na-feel sa kaniya,” dagdag pa niya.
Pagpatol sa bashers
Inihayag ni Matet na bagama’t tanggap na niya ang katotohanan tungkol sa pagkupkop sa kanila ni Nora, hindi niya palalampasin ang mga “below the belt” na mga salita.
Tinanong ni Kara si Matet kung bakit tila na-o-offend pa rin siya sa tuwing tinatawag siyang “ampon” ng ilang netizens.
“Hindi, kasi alam nyo kung bakit. Mainit ang ulo ko nu'ng araw na 'yun. Nu'ng may problema ako,” paliwanag niya.
“Nakikita ko lang, nag-Facebook ako. Tinignan kong gano'n, ay, binabash na naman. Sinunggaban ko. Mainit ang ulo ko eh, alam mo naman tayo. So, mainit ang ulo ko, pinatulan ko sila. Tapos kami ng asawa ko, tumatawa kami habang pinapatulan namin. Kumbaga, hindi na ako naasar sa gano'n,” kuwento niya.
Ayon kay Matet, hindi niya nagustuhang tinawag siya ng mga katagang nang-iinsulto.
‘Di rin ako napikon doon, pero nagalit 'yung panganay ko. So, we're going to do something about it,” sabi niya. – FRJ GMA News
