Patay ang isang motorcycle rider matapos siyang pagbabarilin ng dalawang salarin na nakasakay din sa motorsiklo sa Hermosa, Bataan. Ang krimen, nahuli-cam.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang nahuli-cam na krimen nitong Martes ng umaga sa Purok 4 sa Barangay Mambog.
Sa CCTV footage, makikitang sinabayan ng mga salarin ang biktima habang umaarangkada hanggang sa biglang matumba ang huli.
Bumaba ang isa sa mga suspek at muling pinaputukan ang nakasubsob na biktima.
Ayon sa opisyal ng barangay, nakatanggap sila ng tawag na may nadisgrasya umano at hindi nila kaagad nalaman na biktima ito ng pamamaril.
Idinagdag ng opisyal na kinuha ng suspek ang bag ng biktima bago tumakas.
Ayon kay PSMS. Joseph Manlapat, investigator, Hermosa Police Station, sa daan palang ay binabaril na ang biktima hanggang sa matumba ito.
“Sinundan siya ng dalawang nakamotor then doon sa gawing may kurbada ng konti, binaril siya. Pagbagsak niya, sinundan pa ng dalawang putok,” sabi ni Manlapat.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, at motibo sa krimen.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA News
