Bilang anak ni Manilyn Reynes sa programang “Pepito Manaloto,” sinabi ni Jake Vargas na naglalabas siya ng saloobin sa aktres at humihingi ng payo.

Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, tinanong ang aktor kung papaano umaalalay sa kaniya si Manilyn kapag may pinagdaanan siyang personal na usapin sa buhay.

Pag-amin ni Jake, “Minsan po kasi nag-o-open up ako sa kaniya sa buhay-buhay ko. 'Paano ba 'to? Paano ko sisimulan 'yung ganito? Paano ba ako magre-react?'”

Humingi ng halimbawa ang King of Talk tungkol sa mga payong hiningi niya sa batikang aktres na 16 na taon na niyang ina sa kanilang sitcom.

“Hindi ka basta-basta umo-oo. Kasi, ako po 'yung taong laging oo nang oo. Kahit hindi ko naman gusto 'yung ginagawa. Hindi po ako marunong humindi,” ayon kay Jake.

Sinabi naman ni Manilyn na kasama ring guest sa talk show, isa sa mga ipinayo niya kay Jake ang matutong humindi nang hindi nakakaramdam ng “guilty.”

“Sabi ko sa kanya, you can say no na hindi ka feeling guilty. Kasi kung ayaw mo gawin, then don't. It's very hard to do. Kaya nga... 'Ano ba ang importante sa'yo? Yung sumaya sila o ikaw?'” paliwanag ng aktres.

Dagdag niya, “Siyempre kailangan mo ring sumaya. Before ka naman maka-extend ng happiness at ng love sa ibang tao, you have to love yourself first, too.”

Sinang-ayunan naman ito ni Tito Boy na sadyang mahirap humindi lalo na kung sa miyembro ng pamilya.

“Pero, may nagsasabi nga na, 'Saying no is power.' Pero sa pamamaraan ng pag-hindi, sa pamamaraan ng paglatag at 'yung guilty. Kasi importante na huwag kang ma-guilty,” paliwanag ng host.

Ayon pa kay Jake, nakatutulong ang may nalalapitan at may nasasabihan lalo na sa katulad niyang laging nag-o-overthink. – FRJ GMA News