Nahaharap sa hanggang 10 taong pagkakakulong ang dating alkalde ng Arcadia, California na si Eileen Wang matapos umamin na kumilos siya bilang illegal agent ng People's Republic of China (PRC) sa loob ng Amerika.
Ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI), inamin umano ni Wang na lihim niyang isinulong ang mga interes ng pamahalaan ng China habang naninirahan at kumikilos sa Estados Unidos.
"Let this serve as a clear warning: Individuals who act on behalf of foreign governments to influence our democracy will be identified, investigated, and brought to justice. Protecting the rule of law and the transparency of our democratic process remains at the core of the FBI's mission, and we will continue working alongside our partners to safeguard the integrity of our elections and keep hostile actors from undermining the voices of the American people," babala ni Roman Rozhavsky, Assistant Director ng Counterintelligence and Espionage Division ng FBI.
Ginawa ni Rozhavsky ang pahayag sa isang ulat na inilabas ng United States Attorney's Office for the Central District of California.
Nahalal si Wang sa Arcadia City Council noong Nobyembre 2022. Ang konseho ay binubuo ng limang miyembro, at ang alkalde ay pinipili mula sa kanila on a rotating basis.
Ipinanganak si Wang sa Sichuan, China, bago lumipat sa Amerika kung saan siya naging guro at lider ng komunidad. Naging pangulo rin siya ng American Southwest Chamber of Commerce USA.
Ayon sa kaniyang plea agreement, mula sa huling bahagi ng 2020 hanggang 2022, si Wang at si Yaoning 'Mike' Sun, 65-anyos na mula sa Chino Hills, ay kumilos sa ilalim ng direksyon at kontrol ng mga opisyal ng pamahalaan ng China.
Nakipag-ugnayan sila sa mga tao sa Amerika upang isulong ang mga interes ng Beijing, kabilang ang pagpapakalat ng propaganda na pabor sa PRC.
Umamin si Sun sa kasalanan noong Oktubre 2025 sa kasong pagiging illegal agent ng isang dayuhang pamahalaan, at kasalukuyang nagsisilbi ng apat na taong sentensiya sa federal prison.
Magkasamang pinatakbo nina Wang at Sun ang US News Center, isang website na nagpapakilalang pinagkukunan ng balita para sa lokal na komunidad ng mga Chinese-American. Ayon sa mga tagausig, tumatanggap sila ng mga direktiba mula sa mga opisyal ng PRC at naglalathala ng mga artikulong pabor sa China, sa utos ng pamahalaang ng Tsina.
Natuklasan din ng federal investigators ang mga komunikasyon sa pagitan ni Wang at ni John Chen, na ayon sa mga rekord ng hukuman ay isang high-level operative na may kaugnayan sa intelligence apparatus ng China.
Noong Nobyembre 2024, nahatulan si Chen sa Southern District of New York dahil sa pagiging illegal agent ng PRC at pakikipagsabwatan upang suhulan ang isang opisyal ng gobyerno. Sinentensiyahan siya ng 20 buwang pagkakakulong sa federal prison.
Pansamantalang nalalaya si Wang sa bisa ng piyansa habang hinihintay ang sintensiya sa kaniya.
Ayon sa ulat ng Reuters, nagbitiw si Wang sa konseho ng Arcadia, gayundin sa posisyon ng alkalde na kaniyang hinawakan noong Pebrero.
Batay sa pahayag ng mga abogado ni Wang, humihingi ng paumanhin at ikinalulungkot ng kanilang kliyente ang mga pagkakamaling nagawa niya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may inarestong mga tao ang US government dahil sa umano'y pagkilos para sa interes ng pamahalaang China sa loob ng bansa.
Kamakailan lang, hinatulan ng isang federal jury sa Brooklyn si Lu Jianwang, isang US citizen, dahil sa pagpapatakbo ng hindi awtorisadong "police station" sa Chinatown para sa Ministry of Public Security of China.
Ayon sa mga tagausig, ginamit ang pasilidad upang subaybayan, takutin, at gipitin ang mga kritiko ng pamahalaang Tsino na naninirahan sa Amerika.
Samantala, kinasuhan si Linda Sun, dating mataas na tagapayo ng mga dating gobernador ng New York na sina Andrew Cuomo at Kathy Hochul, dahil sa umano'y pagiging unregistered agent ng PRC.
Ayon sa Federal prosecutors, tumanggap umano si Sun ng milyun-milyong dolyar na kickback at mamahaling regalo kapalit ng pagsusulong ng mga interes ng Beijing, kabilang ang pagpigil sa mga opisyal ng Taiwan na dumalo sa mga state events at pag-impluwensiya sa opisyal na mensahe hinggil sa minoryang Uyghur. — Dave Llavanes Jr./FRJ GMA News

