Bumangga ang isang pampasaherong bus sa mga concrete at plastic barriers sa Marcos Highway sa Marikina City nitong Sabado ng madaling araw. Tumagas pa ang diesel mula sa bus.

Nangyari ang insidente dakong alas-dos ng madaling araw malapit sa U-turn slot makalampas ng Felix Avenue papuntang Antipolo City, ayon sa ulat ni Carlo Mateo sa Dobol B TV.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nakatulog ang driver ng bus nang mangyari ang insidente.

Wala namang sakay na pasahero ang bus maliban sa driver at konduktor. Papunta raw sa Antipolo City ang bus upang sunduin ang mga pasahero para sa isang special trip.

Naging madulas ang kalsada dahil sa tumagas na diesel at nagkalat din ang mga nasirang plastic at concrete barrier.

Dahil dito ay bumigat ang daloy ng trapiko.

Inabisuhan ng MMDA ang mga motorista, lalo na ang mga naka-motor at bisikleta, na mag-dobleng ingat dahil madulas ang kalsada.

Nahatak na ng MMDA ang nasabing bus gamit ang tow truck at nililinis na ang daan para maalis ang diesel.

 

 

 

Gumamit din ng crane ang MMDA para mailipat sa tamang ayos ang mga concrete barrier.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad at posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property ang driver ng nasabing bus. —KG, GMA Integrated News