Timbog ang isang 33-anyos na lalaking wanted sa kasong murder makalipas ang halos anim na buwang pagtatago sa Barangay Malinta, Valenzuela City. Ang akusado, nahulihan pa ng hindi lisensiyadong baril at balisong.Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nadakip ang lalaki ng mga operatiba ng District Special Operation Unit matapos isilbi sa kaniya ang arrest warrant.Batay sa pulisya, nagtago ang lalaki sa CAMANAVA at Bulacan.Disyembre 2024 nang mamaril ang akusado na ikinasawi ng lalaking biktima sa Caloocan.“Mayroon siyang sinundang lalaki dito sa may Caloocan. Nagpang-abot sila. Ngayon bigla niyang pinagbabaril at namatay nga po ang biktima. Lumalabas na motibo during that time is ‘yung onsehan sa droga,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Alain Licdan, hepe ng NPD DSOU.Pagkadakip sa akusado, nakuha sa kaniya ang isang baril na kargado ng mga bala at isang balisong.Walang naipakitang dokumento ang lalaki.Batay sa DSOU, hindi ito ang unang pagkakataon na nadakip ang lalaki, na nadawit na rin sa iba pang krimen at mga gawaing may kinalaman sa gun-for-hire. “Noong minor pa lang siya, na-involved siya sa robbery, then noong 18 years old siya na-involved siya sa illegal drugs. Noong 24 years old na siya, na-involved naman siya sa double murder ng mga kagawad dito sa may Malabon area. Noong in-analyze namin ‘yung cellphone niya, meron kaming mga nabasa na communication na meron siyang bibirahin pa na iba,” ayon pa kay Licdan.Umamin sa alegasyong pagpatay ang lalaki, na hindi nagbigay ng pahayag tungkol sa mga nakuha sa kaniyang mga baril at balisong.“Dahil nagbanta po siya sa akin na ipapatrabaho niya raw po ako. Nagkaroon po ako ng pagkakataon na unahan siya kaya ‘yun po ang nangyari… Sa korte na lang po ako magpapaliwanag,” sabi ng lalaki.Inihahanda na ang mga dokumento para sa return of warrant ng lalaki, na sasampahan din ng illegal possession of bladed weapon at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act in relation to Omnibus Election Code. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News