Nadatnan sa kulungan ang lalaking tinaguriang si “Boy Dila,” na viral dahil sa pambabasa niya sa isang rider sa Wattah Wattah Festival noong 2024, matapos siyang ireklamo naman ngayon ng pambabastos ng menor de edad na babae na kaniyang sinitsitan.
Sa ulat ni Mark Salazar sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing kukumustahin dapat ng GMA Integrated News sa Barangay Balong-Bato sa San Juan City si Boy Dila.
Ngunit sa paghahanap, sa kulungan na natunton si “Boy Dila.”
“Wala sir, nakasuhan po ako ng Anti-Bastos Law. Sa pagsitsit po sir. Menor de edad sir, nadala lang po sa pagkalasing ko sir,” sabi ni “Boy Dila.”
Nagtakda na ang lokal na pamahalaan ng San Juan ng lugar kung saan puwedeng mambasa sa Pista ng San Juan, matapos maging wala na sa lugar ang ilang pambabasa ng mga residente sa Wattah Wattah Festival noong nakaraang taon.
Matatandaang nag-viral si Boy Dila matapos niyang i-water gun ang isang umaayaw na rider.
“Ako naman umaasa na sa taong ito ay hindi na niya gagawin 'yung ginawa niya noong nakaraang taon. Umaasa ako na natuto na siya ng kaniyang leksyon. At magsilbing leksiyon po ito sa lahat ng iba na maaaring gumagawa ng ganiyang dati na hindi lamang nahuli,” sabi ni Mayor Francis Zamora.
Nag-amyenda ang City Council ng ordinansang maglalatag ng patakaran para matiyak na hindi na mauulit ang nakapipikong basaan.
Simula sa Hunyo 24, 2025, Pista ng San Juan, bawal na ang basaan sa kung saan-saan sa siyudad matapos ang pagtatalaga ng “basaan zone.” Magsisilbi naman itong “danger zone” para sa mga ayaw magpabasa.
Ang basaan zone ay magmumula sa P. Guevarra Street, kahabaan ng Pinaglabanan Road, hanggang sa N. Domingo Street, na halos isang kilometro ang haba at babantayan ng halos 300 pulis para matiyak na nakakaaliw at ligtas ang basaan.
“Any other area outside this basaan zone, bawal. ‘Pag kayo naman po ay pupunta ng San Juan upang makipagbasaan, upang makipagdiwang sa aming kapistahan, welcome na welcome po kayo sa basaan zone,” sabi ni Zamora.
Ipinagbabawal na rin ang paggamit ng water bomb o ibinabatong tubig sa plastic, at high pressurized sprayer, maliban sa mga pinahintulutang bumbero. Bawal din magbukas ng mga sasakyan para mambasa o sumampa at alugin ang mga sasakyan.
May multang P5,000 sa mambabasa sa labas ng basaan zone na may kasamang kulong. Kung menor de edad ang masasangkot, P5,000 ang multa ng magulang o guardian.
Ipinagbabawal din ang basaan sa Balong-Bato, ang barangay ni “Boy Dila.”
Nanghihinayang naman ang mga kabarangay ni Boy Dila dahil sa nawala nilang tradisyon.
“Wala na 'yung diwa ng basaan ng San Juan,” sabi ng isang lalaking residente.
“Tradisyon ‘yun eh. Batang paslit pa lang ako may basaan na eh,” sabi ng isa pang lalaking residente. — Jamil Santos/BAP/FRJ, GMA Integrated News
